Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Monday, February 21, 2011

Ulan



          Unti-unti ng bumabalot ang kadiliman sa kapaligiran kasabay ng pagbuhos ng ulan. Andito pa rin ako sa lugar kung saan una tayong nagkita at nagkakilala. Inaalala ko ang mga sandaling tayo’y magkasama, masaya at walang pangamba. Araw-araw tayong magkasama papunta ng eskwelahan at pag-uwi’y lagi kitang hinihintay sa labas ng inyong silid-aralan upang makasabay sa pag-uwi at makinig sa iyong mga kwentong nagpapasaya sa aking puso.

          Lagi kang dumadating pag tinatawag kita at lagi rin akong nandyan kung ako’y iyong kailangan. Lagi tayong nagtatawanan at gumagawa ng kalokohan. Lagi tayong tumatakas sa tuwing gusto mong maglibot sa gabi upang pagmasdan ang mga bituin. Lagi mo akong sandigan sa tuwing may nang-aapi sa iyo. Akala ko’y sapat na iyon para mabihag ko ang iyong puso.

          Ngunit isang araw, dumating ang pinakamatalik kong kaibigan. Kayo’y nagkakilanlan at naging magkaibigan. Hindi ko akalaing mabibihag niya ang iyong puso na siya namang ikinadurog ng akin. Sinagot mo siya at ang masakit pa roo’y hiningi mo ang aking permiso. Kahit masakit man ay tinanggap ko iyon dahil nakikita kong mas masaya ka sa piling niya.

          Isang araw, nag-away kayo at agad kang tumakbo sa akin. Sa wakas maipagtatapat ko na rin sa iyo ang nararamdaman at binalak kong yayain ka ng kasal. Bago ko pa man mailabas ang nakahandang singsing sa aking bulsa ay agad ka niyang hinila at inalok ng kasal. Hindi ko maitago ang sakit na nararamdaman sa mga oras na iyon at umalis ako ng walang pasabi.

          Kaibigan ang turing niyo sa aking at sa kadahilanang iyon ay inalok niyo akong tumugtog sa oras na iyon. Unti-unting pinapatay ng pagkakataon ang aking puso habang nakikita ko kayong masaya. Pagkatapos noo’y umalis na ako sapagkat di ko na kaya ang sakit. Hanggang sa makarating ako sa lugar kung saan tayo nagkita at nagkakilala. Kasabay ng hinagpis ng aking puso ay pagbuhos ng malakas na ulan.

Thursday, February 10, 2011

Isang Upuang Pagitan

     Lagi kitang pinagmamasdan sa tuwing papasok ng paaralan. Maging sa loob ng silid-aralan ay ikaw lamang ang aking nasa isipan. Matagal na akong may paghanga sayo. Simula sa unang taon natin sa paaralan ay sadyang natamaan na ako sayo. Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayo’y ikaw pa rin ang nasa aking puso’t isipan. Apat na taon na rin akong may paghanga sayo ngunit ni minsan ay di ko man lang nasabi ito. Sa tuwing magkakalakas ako ng loob upang sabihin sayo ay siya namang pagsulpot ng mga nanliligaw sayo. Hanggang kelan ko pa kaya kayang itago ang nararamdamang ito?

     Pilit kong tinatago ang nararamdamang ito dahil natatakot akong layuan mo ako. Kuntento na akong nakikita ka araw-araw kahit na sa isang upuang pagitan ay nagagawa mong sumulyap sa aking kinaroonan kasabay ng isang magandang ngiti. Kuntento na ako sa kung ano mang meron tayo at ayokong sirain nang dahil lang sa nararamdaman kong ito.

     Isang araw habang naglalakad ako palabas ng paaralan ay nakita kitang may kasamang iba. Sa pagkakataong iyon ay nakita ko ang ibang ikaw. Nakita ko ang kakaibang ngiti sa iyong mga labi, mga ngiting di ko pa nasisilayan sa mga pagkakataong tayo’y magkasama. Hinagkan ka niya kasabay ng pagdampi ng kanyang mga labi sa iyong mga labi.
   
      Nagunaw ang mundo ko sa pagkakataong iyon at di ko namalayan ang pagpatak ng mga luha sa aking mga mata. Hindi ko maipaliwanag ang kirot sa aking puso habang sinasabayan ng kalangitan ang aking pananaghoy. Aking napagtanto na unti-unting lumalaki ang pagitan ng ating mga puso na dati’y isang upuang pagitan lamang.

Wednesday, February 2, 2011

Takipsilim



          Matagal na rin ang nakakalipas nang muli kong makita ang paglubog ng araw. Gaya ng huling pagkakataong nasilayan ko ang iyong mukha. Nais kong makitang muli ang paglubog nito at pagmasdan kasama ka. Ngunit mananatili na lamang itong isang magandang panaginip dahil kailanman ay di ka na babalik. Kung maibabalik ko lamang ang nakaraan, ay babalikan ko ang masasaya nating alaala. Babalikan ko ang una nating pagkikita sa ating tagpuan na kung saan pinangako natin sa isa’t isa na walang iwanan at tayo hanggang huli. Saksi ang araw sa sumpaang iyon at nangakong sabay nating papanoorin ang paglubog nito hanggang sa pagputi ng ating mga buhok.
 
          Sa paglipas ng mga araw, bigla kang nagbago. Hindi ka na nagtutungo sa ating tagpuan kung saan natin binuo ang masasayang alaala at pinatunayan ang ating pagmamahalan. Hanggang sa nabalitaan ko nalang ang iyong pag-alis. Hinanap kita upang malaman kong bakit mo ako iniwan hanggang sa maubusan na ako ng lakas upang magpatuloy. Hindi ko maipaliwanag ang sakit na nadarama sa pagkakataong iyon. Kahit paalam man lang, iyong ipinagkait.
 
          Ilang taon din ang lumipas, akala ko’y wala na ang sakit. Ngunit isang araw, habang pinagmamasdan ko ang takipsilim ay naalala ko ang ngiti sa iyong mga labi habang mariing pinagmamasdan ang paglubog ng araw. Sa pagkakataong iyon, di ko namalayang napadpad ako sa ating tagpuan. Muli ay sinariwa ko ang wagas nating pagmamahalan. Sinariwa ko ang naudlot nating mga plano hanggang sa ating pagtanda. Sadyang mapaglaro ang tadhana at tayo’y pinaglayo. Napagpasyahan mong lumayo sa aking piling upang di ako masaktan. Habang iniisip mo ang aking kapakanan ay siya namang pagkamuhi ko sayo. Walang araw at gabi na hindi ako nagpakalunod sa alak nang sa ganon ay kahit saglit man lang ay mawala ang sakit.
 
           Isang araw, ika’y nagbalik. Agad akong nagtungo sa ating tagpuan. Nakita kita doon habang nakaupo sa silyang de gulong. Hinagkan kita ng mahigpit sabay sabing, “Mahal kita”. Aking naramdaman ang pagpatak ng iyong mga luha at sinabi mong mahal mo ako. Doon ko lamang nalaman sa pagkakataong iyon ang tunay na dahilan ng iyong paglayo. Hindi ko namalayan ang pagpatak ng aking luha habang nakatingin tayo sa takipsilim. Nangako tayo sa isa’t isa na wala nang iwanan, na tayo’y magsasama sa habambuhay. Sa mga sandaling iyon ay unti-unti ng nilalamon ng dilim ang natitirang liwanag hanggang sa tuluyang sumaklob ang kadiliman sa kalangitan at maging sa kapaligiran. Kahit masakit mang isipin ay mananatili ka pa rin sa puso’t isipan  at umaasang tayo'y magkikitang muli balang araw sa lugar kung saan ka man naroroon. Nararamdaman ko na sa mga oras na ito ay nalalapit na ating muling pagkikita. Sa kadahilanang iyo'y lalo pa akong nasasabik dahil muli ko na namang masisilayan ang pagngiti ng nag-iisang babaeng aking minahal at mamahalin hanggang hukay.

Tuesday, February 1, 2011

Rebus


I'm not a poet
To write a poem
I'm not a composer
To make a piece
I'm just an ordinary person
Who makes ordinary day a special one
I'm not a dumb unit who follows foolish things
but I'm just a puppet walking on others shadow.