Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Wednesday, February 2, 2011

Takipsilim



          Matagal na rin ang nakakalipas nang muli kong makita ang paglubog ng araw. Gaya ng huling pagkakataong nasilayan ko ang iyong mukha. Nais kong makitang muli ang paglubog nito at pagmasdan kasama ka. Ngunit mananatili na lamang itong isang magandang panaginip dahil kailanman ay di ka na babalik. Kung maibabalik ko lamang ang nakaraan, ay babalikan ko ang masasaya nating alaala. Babalikan ko ang una nating pagkikita sa ating tagpuan na kung saan pinangako natin sa isa’t isa na walang iwanan at tayo hanggang huli. Saksi ang araw sa sumpaang iyon at nangakong sabay nating papanoorin ang paglubog nito hanggang sa pagputi ng ating mga buhok.
 
          Sa paglipas ng mga araw, bigla kang nagbago. Hindi ka na nagtutungo sa ating tagpuan kung saan natin binuo ang masasayang alaala at pinatunayan ang ating pagmamahalan. Hanggang sa nabalitaan ko nalang ang iyong pag-alis. Hinanap kita upang malaman kong bakit mo ako iniwan hanggang sa maubusan na ako ng lakas upang magpatuloy. Hindi ko maipaliwanag ang sakit na nadarama sa pagkakataong iyon. Kahit paalam man lang, iyong ipinagkait.
 
          Ilang taon din ang lumipas, akala ko’y wala na ang sakit. Ngunit isang araw, habang pinagmamasdan ko ang takipsilim ay naalala ko ang ngiti sa iyong mga labi habang mariing pinagmamasdan ang paglubog ng araw. Sa pagkakataong iyon, di ko namalayang napadpad ako sa ating tagpuan. Muli ay sinariwa ko ang wagas nating pagmamahalan. Sinariwa ko ang naudlot nating mga plano hanggang sa ating pagtanda. Sadyang mapaglaro ang tadhana at tayo’y pinaglayo. Napagpasyahan mong lumayo sa aking piling upang di ako masaktan. Habang iniisip mo ang aking kapakanan ay siya namang pagkamuhi ko sayo. Walang araw at gabi na hindi ako nagpakalunod sa alak nang sa ganon ay kahit saglit man lang ay mawala ang sakit.
 
           Isang araw, ika’y nagbalik. Agad akong nagtungo sa ating tagpuan. Nakita kita doon habang nakaupo sa silyang de gulong. Hinagkan kita ng mahigpit sabay sabing, “Mahal kita”. Aking naramdaman ang pagpatak ng iyong mga luha at sinabi mong mahal mo ako. Doon ko lamang nalaman sa pagkakataong iyon ang tunay na dahilan ng iyong paglayo. Hindi ko namalayan ang pagpatak ng aking luha habang nakatingin tayo sa takipsilim. Nangako tayo sa isa’t isa na wala nang iwanan, na tayo’y magsasama sa habambuhay. Sa mga sandaling iyon ay unti-unti ng nilalamon ng dilim ang natitirang liwanag hanggang sa tuluyang sumaklob ang kadiliman sa kalangitan at maging sa kapaligiran. Kahit masakit mang isipin ay mananatili ka pa rin sa puso’t isipan  at umaasang tayo'y magkikitang muli balang araw sa lugar kung saan ka man naroroon. Nararamdaman ko na sa mga oras na ito ay nalalapit na ating muling pagkikita. Sa kadahilanang iyo'y lalo pa akong nasasabik dahil muli ko na namang masisilayan ang pagngiti ng nag-iisang babaeng aking minahal at mamahalin hanggang hukay.

4 comments:

  1. tnx sa mga nagbasa at ababababa tnx din sa comment

    ReplyDelete
  2. awwwww..kakatouch naman kuya..so inspiring! love it! <3 :))

    ReplyDelete