Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Tuesday, April 3, 2012

Sana


Naglalakad sa kahabaan ng EDSA. Kasabay ng bawat yapak ng aking mga paa ay ang pagtulo ng aking luha. Wala na akong pakialam kung may makakita man basta ang alam ko lang ay gusto kong ilabas ang sakit na nararamdaman. Ewan ko ba kung bakit ako nagkakaganito. Hindi naman ako ganito dati ngunit simula nang makilala kita ay nagbago ang lahat.

Hindi ko akalaing mahuhulog ako ng husto. Hindi ko akalaing matatalo ako ng aking sarili. Ang akala ko dati ay matibay ako. Ang akala ko dati ay kaya ko kahit ano mang sakit. Pero bakit ngayon, parang hindi ko na kakayanin. Ano bang mayroon ka at hindi kita makalimutan? Ano bang mayroon ka na hindi ko mahanap sa iba? Hanggang ngayo'y naghahanap pa rin ako ng kasagutan sa mga tanong na nagpapagulo sa aking isipan.

Hanggang kailan ko ito mararamdaman? Hanggang kailan ako masasaktan? Talagang ganito nalang ba ang aking kapalaran. Nais ko rin namang lumigaya. Sabi nila kapag umiibig ka, para kang nakalutang sa ere lalo na kung kasama mo ang iyong mahal. Ngunit bakit ganoon, kabaligtaran ang aking nararamdaman. Imbes na kaligayahan puro sakit ang aking natatamasa.

Simula't sapol sinabi ko na sa sarili ko na hindi ako magmamahal dahil alam kong masasaktan lang din ako na mas gugustuhin kong mag-isa nalang kaysa naman dumanas pa ng kabiguan. Pero bakit ganoon ikaw na ngayon ang aking kahinaan. Ano nga ba talagang mayroon ka? Kahit gustuhin ko mang yakapin ka ay hindi ko magawa. Maraming mga bagay na hindi na kailanman pwedeng gawin. Mga bagay na dapat sana'y para sa akin. Ewan, litung-lito ang isip ko ngayon at para akong nakalutang. Tulala. 

Sana, sa aking paggising kinabukasan ay mawala na ang sakit. Sana hindi na ako lumuha pa. Sana bukas ako naman ang masaya. Sana bukas ikaw naman ang aking kasama. Sana. Sana.

Monday, April 2, 2012

Pagbabalik



Naglalakad sa tabi ng dagat habang inaalala ang ating nakaraan. Hanggang ngayo'y nasa isip pa rin kita. Isang taon na ang nakalilipas ngunit hindi pa rin mawala sa akin ang sakit na dulot ng iyong paglisan. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mawari kung bakit mo ako iniwan ng hindi man lang nagpapaalam. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maisip kung ano ang nagawang pagkakamali at bakit mo nagawa sa akin iyon.

Mahal pa rin kita at umaasa pa ring darating ang panahon na magkikita tayong muli. Lagi akong pumupunta rito tuwing dapit hapon, nagbabasakaling masilayan kong muli ang iyong maamong mukha. Umaasang maririnig kong muli ang iyong tinig. Para na akong tanga sa kahihintay ngunit hindi ako susuko. Alam kong darating din ang panahon ng iyong pagbabalik.

Nagpasya na akong umuwi na ng may matanaw ako mula sa malayo. "Siya nga.", sambit ko sa aking sarili. Tuwang-tuwa ang puso kong nananaghoy dahil sa tinagal-tagal ng aking paghihintay sa iyong pagbabalik ay eto na, nandito ka na. Tumakbo ako papunta sa kanya ngunit bigla akong natigilan. Nakita kong may kasama siyang iba. Papalapit sila sa aking kinatatayuan. Pilitin ko mang tumakbo palayo ay parang ayaw ng aking mga paa. Mayamaya pa'y nagsalubong ang aming mga mata. 

Nagulat siya nang ako'y makita. Hindi ko rin alam ang aking sasabihin lalo pa't may kasama siyang iba. Nagkamustahan kami. Ipinakilala niya ang kasama. Ikakasal na raw sila sa susunod na linggo. Bigo na naman ako. Hindi maipaliwanag ang sakit na aking nararamdaman. Gustuhin ko mang tanungin kung bakit niya ako iniwan ay hindi ko nagawa. Agad akong tumakbo dahil sa labis na sama ng loob. Marahil hindi niya lang talaga ako mahal kaya niya ako iniwan. Sana makabangon pa ako mula sa pagkakadapang ito. Sana kayanin ko lahat ng ito. Sa ngayo'y ayoko na siyang isipin. Sa ginawa niya, mundo ko'y nagunaw at nagkapira-piraso ang aking puso. Ayoko ng magmahal pa, ang tanging mga katagang nasambit ko sa aking sarili habang patuloy ang pag-agos ng luha mula sa aking mga mata.

Balang araw




Palubog na ang araw. Unti-unti ng nagdidilim ang paligid. Nararamdaman ko na ang malamig na ihip ng hangin. Tulala pa rin akong nakatitig sa malayo na para bagang may pinagmamasdan. Ganito pala ang pakiramdam ng nasasaktan. Noong una'y hindi ko alintana kung may masaktan man ako dahil sa tingin ko'y hindi mangyayari iyon sa akin. Ngunit sadyang mali pala ang aking pananaw, mangyayari din pala sa akin iyon.

Noong una'y hindi ko maamin sa sarili ang unti-unting pag-usbong ng aking nararamdaman. Noong una'y hindi ko lubos maunawaan ang kahulugan ng pag-ibig. Litung-lito ako noong mga sandaling iyon. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Hindi ko rin masabi sapagkat alam kong may mahal ka ng iba.

Pinilit kong pigilan itong nararamdaman para sayo. Ngunit sa paglipas ng mga araw ay lalo kitang minamahal. Natatakot na ako sa nararamdaman kong ito dahil unti-unti na nitong nilalamon ang aking buong pagkatao. Alam kong masasaktan lang ako ngunit hinayaan ko pa ring mahulog ako sayo.

Sadyang napakasaklap ng tadhana. Ngayong natagpuan na kita, tsaka naman hindi tayo pwede para sa isa't isa. Kaya heto ako ngayon, balisa at hindi maintindihan ang nararamdaman. Gusto kitang hagkan ngunit hindi ko magawa. Tatahimik nalang ako sa isang sulok. Alam kong kahit kailan hindi mo ako papaniwalaan at kahit kailan ay hindi mo ako mamahalin dahil meron nakahihigit diyan sa iyong puso. 

Pipilitin ko nalang maghilom ang mga sugat. Kahit mahirap, kakayanin ko. Makakalimutan din kita balang araw. Tanging hiling ko lamang ay sana maalala mo ako kahit magkalayo tayo. At kung sa oras na tayo'y magkitang muli at hindi na kita maalala pa ay sana ipaalala mo ang kahapon. Pilitin mong ipaalala kong sino ako at kung ano ako dati. Iyan lang ang tanging mahihiling ko sa ngayon ngunit sana balang araw maramdaman ko rin ang iyong pagmamahal na inialay mo sa iba.