Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Monday, July 15, 2013

Ngiti

(image from http://fullylivinglife.files.wordpress.com/2012/03/smile-3.jpg)

Palubog na naman ang araw. Parang kanina lang ay nasilayan ko ang pagsikat nito. Una-unahan ang mga tao sa pag-uwi lalo pa't nagbabadya na rin ang pagbuhos ng ulan. Unti-unti ng nilalamon ng dilim ang paligid.

Sa aking paglalakad, ay kita ko ang iba't ibang ekspresyon sa mukha ng mga tao. Sa kanilang mga mukha ay dama ko ang kanilang damdamin at pasanin. May sobra ang kagalakan, may bahid ng pag-aalala, may kalungkutan. Sari saring usapin din ang aking mga narinig at minsan pa ngay napapangiti nalang ako dahil pati mga bagay na walang katuturan ay pinag-uusapan - marahil ay ganun nga talaga.

Bumuhos na ang malakas na ulan. Tumakbo ako patungo sa sakayan ng jeep kasabay ang mga taong nagsisitakbuhan din dahil gaya ko, ayokong mabasa. Napakahaba pa man din ng pila at sa isip-isip ko'y gagabihin na naman ako sa pag-uwi. Unang jeep, pangalawang jeep, pangatlong jeep, hay nakakasawa ng magbilang dahil marami ng jeep ang napuno ng pasahero ngunit hindi pa rin ako nakakasakay. Sadyang nataon na uwian na rin ng mga estudyante at umulan pa, kaya naman ay ganun na lang ang pila.

Isang oras din ang tinagal ng aking pagpila. Sa wakas ay nakasakay na rin ako sa jeep. Umupo ako sa bandang likuran ng jeep para mas madali ang aking pagbaba. Habang pinagmamasdan ang mga pasakay na tao ay napako ang aking sa isang pasaherong parang may mabigat na pasanin. Bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan. Patuloy ko siyang pinagmasdan habang siya ay tulala, hawak ang kanyang cellphone at maya-maya'y patingin tingin dito. Maya maya pa'y tinakpan niya ang kanyang mga mata. Buong akala ko'y matutulog lang siya nang ibabaling ko na sana ang aking tingin sa labas ay tinanggal niya ang kanyang kamay mula sa pagkakatakip ng kanyang mga mata. Nakatitig siya sakin. Nakita ko ang munting butil ng luha sa kanyang mata. Noong mga oras na iyo'y kumonekta siya sa akin. Ramdam ko ang sakit na ipinapahiwatig ng kanyang mga mata. Sa mga sandaling iyon ay nagbalik sakin ang mga nangyare noon. Iyon ay ang mga sandaling labis labis ang aking kalungkutan. Iyon ang mga sandaling ayoko ng maranasan at maalala pa. Nginitian ko siya at kahit hindi mamutawi sa aking mga bibig ang mga katagang "kaya mo yan" ay alam kong nakuha niya ang aking ibig sabihin. Maya-maya pa'y huminto ang jeep at isa-isa nang nagbabaan ang mga pasahero. Sa kabila ng mga taong nagdaraan sa aking harapan ay nakita ko ang munting ngiti sa kanyang mga labi na siya namang sinuklian ko ng ngiti.