Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Wednesday, August 20, 2014

Larawan

Heto na naman ako nakatitig sa iyong larawan. Inaalala ang mga sandaling nakikita kang nakangiti, mga sandaling ako'y lubha mong napahanga. Inaalala ang mga bagay-bagay na iyong ginawa na sadyang hindi ko magawang kalimutan.

Una palang kitang makita, hindi ko mawari ang aking naramdaman. Para bagang tinamaan ako ng kidlat na sa unang tingin palang ako'y humanga. Noong una hindi ko inintindi, ngunit nang araw-araw na kitang nakikita ay lalo pang tumindi ang nararamdaman. Nahulog ako sa iyong patibong. Hindi ko maintindihan kung anong meron ka na wala sa iba at sayo ko lang naramdaman ito. Hindi ko maintindihan ang sayang dulot mo sa tuwing nakikita ka.

Sa lahat ng aking nakilala, sayo lang ako naging ganito. Kahit ano mang pagpigil ko sa sarili kong magpadala sayo ng mensahe ay parang nagkakabuhay ang aking mga daliri. At sa tuwing makakatanggap ako ng sagot mula sayo ay hindi mo lang alam, para akong aatakihin sa saya.

Lumipas ang mga araw, lalo pa akong nahulog. Kung noon kaya ko pang pigilan, ngayon hindi ko na mapigilang mahulog pa sayo. Ewan ko ba kung anong mahika meron ka at para akong nagagayuma sa tuwing ngumingiti ka. Minsan nga napapangiti nalang din ako ng kusa habang inisip ko ang maamo mong mukha. Baliw mang maituturing, wala akong pakialam basta ang alam ko lang, ikaw at ikaw ang aking inspirasyon. Hindi lang inspirasyon, mahal na nga ata kita kung yun ang mas magandang makapaglalarawan ng nadarama ko para sayo.

Nakakalungkot mang isipin na may gusto kang iba, hindi ko naman pwedeng ipagsiksikan ang sarili ko. Ang maipapangako ko lang ay eto, andito lang ako para sayo. Na kahit anong mangyare, hindi pa rin magbabago kung ano man ang nararamdaman ko sayo. Kahit na sa larawan mo lang, masaya na ako.

Sunday, May 25, 2014

Haplos


Andito ako ngayon sa isang madilim na sulok, naghihintay, nag-aalala. Isang aksidente lamang ang nangyare at walang may gusto ni isa man satin. Ngunit hindi ko pa rin mapigilang sisihin ang aking sarili sa nangyare, at iyon din ang husga ng mga taong nakapaligid satin.

Kahapon, naghahanda ako para sa ating pagkikita. Bakas sa aking mukha ang labis na pagkasabik na makita kang muli. Ilang taon ka ring namalagi sa ibang bansa upang ipagpatuloy ang iyong pag-aaral. Bago ka umalis, nangako tayo sa isa't isa na maghihintayan tayo, na walang makakalimot. At kahit ano pang mangyare ay sisiguraduhin natin na tayo hanggang huli. Ngayon nga'y magkikita tayong muli, labis ang kagalakang aking nadarama. Sapagkat sa araw na ito ay magpapahiwatig na akong lumagay sa tahimik.

Dala ang singsing na siyang simbolo ng aking wagas na pagmamahal, ako'y nagtungo sa ating tagpuan. Noo'y nakita kitang nakatalikod sa lilim ng puno, malayo ang tingin at tila baga'y may kung anong bumabagabag. Lumapit ako. Lumingon ka. Nagbigay ka ng isang ngiti, matipid na ngiti. Nagsimula kang magkwento ng mga nangyare sayo. Nangilid ang aking luha hanggang hindi na nito mapigilan ang pagbagsak. Kasal ka na pala sa anak ng isang negosyante sa Amerika at nagawa mo iyon dahil iyon ang desisyon ng iyong mga magulang. Wala kang magawa kundi sundin sila dahil nalugi ang kanilang negosyo at naubos na lahat ang kanilang napundar. Kaya naman kahit ayaw mo ay napilitan ka dahil sa awa sa iyong mga magulang.

Hindi ko nakayanang makinig pa sa iyong mga paliwanag kaya ako'y unti unti ng lumayo mula sayo. Ang sakit na nararamdaman ko sa aking dibdib ay tila di ko na makayanan at kahit ano mang saglit ako'y sasabog na. Hinabol mo ako ngunit hindi kita alintana. Hanggang sa nakatawid ako sa kabilang kalsada at may narinig ako mula sa aking likuran. Nanginig ang buo kong katauhan at nilingon ang aking likuran. Nakita kitang nakahandusay, duguan. Nagising ako sa aking ulirat at dali-daling tumakbo papalapit sayo.

Ngayon naghihintay ako, nagbabakasakaling magising ka. Maya-maya pa'y nagtakbuhan ang doktor at mga nars papunta sayo. May kung anong humaplos sa aking pisngi, malamig. At sa kawala'y narinig ko ang mga katagal, mahal kita. Hindi ko namalayan ang pagtulo ng aking mga luha. Hinagpis ang aking naramdaman at kailan ma'y mamahalin kita hanggang sa muli nating pagkikita.