Pag-amin
Ilang araw na rin ang nakakalipas nang magkahiwalay ang ating mga landas. Patuloy kong tinatahak ang landas ng paglimot habang tinatahak mo ang landas tungo sa iyong kasiyahan. Hanggang ngayo’y di ko pa rin maamin sa sarili ko na kahit papaano’y may itinatagong pagtingin sa iyo.
Ilang beses kong sinabi sa sarili na hindi maaaring maging tayo. Ngunit kahit na anong gawin kong pag-iwas at paglimot ay bumabalik ka pa rin sa aking alaala. Hindi ko alam kung ano itong nararamdaman ko sa ngayon na siyang nagpapahirap sa aking kalooban. Nais kong sabihing mahal kita at gusto kitang makasama ngunit hindi talaga pwede. May isang pader na namamagitan sa atin na dahilan ng di ko pag-amin sa nararamdaman.
Ilang beses kong sinubukang yakapin ka upang ipadama ito ngunit nauunahan ako ng pagkatakot. Takot akong iwan mo ako kapag nalaman ang tunay kong damdamin. Tinurin mo akong parang kapatid at andiyan ka sa tuwing kailangan kita. Ayokong masira kung ano man ang meron tayo ngayon. Pilit man kitang iwasan ay di ko magawa. Sa tuwing kailangan mo ng karamay ay andiyan ako upang damayan ka. Kahit masakit man sa aking kalooban ay pinapayuhan kita kapag may problema sa iyong sinisinta.
Masaya ka kapag kasama mo siya habang patuloy pa rin na sinasabi ko sa sarili ko na dapat masaya rin ako dahil masaya ka ngunit hindi, unti-unting pinapatay ng pagkakataon ang aking damdamin. Masakit man makita kang nasa piling niya ay wala akong magagawa. Iniisip ko, magkakaroon pa ba tayo ng pagkakataon? O sadyang mananatili na lamang tayong ganito?
Gulong-gulo pa rin ang isip ko hanggang sa mga oras na ito. Mahal kita ngunit may mahal kang iba. Ilang beses na ring muntik ko ng ipagtapat sa iyo ang nararamdaman ngunit kapag merong pagkakataon ay tsaka naman hindi maayos ang lahat. Sadya nga bang mapait sa akin ang tadhana? Sana kaya ko pang itago ito hanggang sa hindi na kita makita pa. Ayokong masira kung ano man ang meron tayo ngayon. Ang nais ko lamang ay mag-iwan sa iyo ng maaalala mo balang araw na minsan ay may ako na laging andyan para sayo.
No comments:
Post a Comment