Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Tuesday, October 25, 2011

Singsing


Excited na akong ipakita itong dala kong singsing. Nais ko na ring lumagay kami sa tahimik. Ilang buwan ko na rin itong pinag-iipunan at saw akas hawak ko na ang magiging patunay ng aking pagmamahal sa kanya.

Dumating na ako sa aming tagpuan. Wala pa siya kaya nama’y nagtiyaga akong maghintay upang yayain na siya ng kasal. Maya-maya pa ay natatanaw ko na siya. Agad akong tumayo upang salubungin siya. Niyakap ko siya ng mahigpit nang maramdaman ko ang luhang tumutulo mula sa kanyang mga mata. Tinanong ko siya kung ano ang problema. Nang malaman ko ang dahilan ng kanyang pagtangis ay parang kandilang naupos ang aking puso nang sabihin niyang hindi na niya ako mahal at may mahal na siyang iba. Sa katunayan ay inihahanda na raw ang pag-iisang dibdib nila ng lalaking kanyang minamahal. Hindi ako makakilos at makapagsalita sa oras na iyon. Nais kong tanungin kung bakit niya nagawa sa akin iyon ngunit hindi ko nagawa dahil umalis siya agad.

Labis na kalungkutan ang aking naramdaman. Itinago ko ang singsing na tanging alaala ng pagmamahal ko sa kanya. Hindi koi to maitapon-tapon dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang nararamdaman ko para sa kanya. Walang araw na hindi ko siya naiisip at tanging hiling ko lamang ay ang kaligayahan niya sa piling ng kanyang mahal.
Ilang buwan na rin ang lumipas mula noong araw na iyon. Hanggang nayon ay siya pa rin ang laman ng aking isipan. Naaalala ko pa rin an gaming mga pinagsamahan at mga pinagdaanan na siyang nagpatibay ng aming pagsasama.

Isang araw, may natanggap akong tawag mula sa kanyang ina. Pinapapunta ako sa kanila. Agad naman akong nagtungo sa lugar na kanyang sinabi. Pagdating ko doon ay nahabag ako sa aking nakita. Nakarata’y siya dahil sa malubhang karamdaman. Hindi pala siya nagpakasal at hanggang ngayon ay ako pa rin ang linalaman ng kanyang puso. Niyakap ko siya ng mahigpit at sinabing magpapakasal kami. Sa kabila ng kanyang kalagayan ay sumumpa kami sa Maykapal na kami’y magsasama sa hirap at ginhawa hanggang kamatayan. Pagkatapos noo’y isinuot ko na ang singsing na aking itinago para sa kanya. Sa mga sandaling iyon, hindi ko pinagsisisihan na naghintay ako sa kanya dahil siya lang ang aking mahal at siya lang ang babaeng gusto kong makasama na kahit sa konting panahon ay masasabi kong nagawa rin naming sumumpa sa harap ng Lumikha. Ilang sandali ang lumipas, sumaklob na ang kadiliman at tuluyan nang nilamon ang kaunting ilaw ng pag-asa na aming nakita. 

Monday, October 10, 2011

Dalamhati


Ilang araw na  rin akong palakad-lakad. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung saan ako patutungo. Nagpatuloy ako sa paglalakad ng biglang bumuhos ang malakas na ulan. Tumakbo upang humanap ng masisilungan. Hindi ko rin maintindihan kung bakit tila hindi ko maramdaman ang pagpatak ng ulan. Sa wakas nakakita na rin ako ng masisilungan.
Ilang minute ang lumipas ng dumaan sa aking harapan ang isang babae. Wala man lang siyang kahit na ano mang pananggalang sa ulan na para bagang di niya alintana ang pagbuhos nito. Patuloy pa rin sa paglalakad ang babae at sa hindi malamang dahilan, siya’y aking sinundan.
Habang naglalakad siya ay ramdam ko ang kanyang pighati. Nais ko sanang sabayan siya sa paglalakad ngunit baka iba ang isipin niya kaya itinuloy ko na lang ang pagsunod sa kanya. Patuloy pa rin ang pagsunod ko sa kanya hanggang sa tumigil siya. Lumingon siya. Kinawayan ko siya. Akala ko magagalit siya sa akin bagkus isang ngiti ang kanyang ipinakita. Nakita ko sa kanyang mga mata ang kalungkutang hindi maikubli ng kanyang mga ngiti. Sa mga sandaling iyon, sumagi sa aking isipan na parang kilala ko ang babaeng iyon. Parang nakasama ko na siya ng matagal. Ngunit hindi ko maalala kung kalian at saan. Ni wala nga akong maalala mula sa aking nakaraan at basta nalang napunta ako rito’t palaboy-laboy.
Nagpatuloy sa paglalakad ang babae at siya pa ri’y aking sinundan hanggang sa narrating naming ang bungad ng isang himlayan. Ngayo’y malinaw na sa akin kung bakit gayon na lamang ang kanyang kalungkutan. Pumasok siya rito at napatigil sa isang banda. Napaupo ang babae habang walang humpay sa paghagulgol. Linapitan ko siya upang damayan. Mauupo na rin sana ako ng biglang tumulo ang luha mula sa aking mga mata habang tinititigan ang mga titik na nakaukit sa lapida na kanyang ipinagluluksa.

Monday, October 3, 2011

Paglisan

Unti-unti ng tumitila ang ulan. Binitiwan mo na rin ang aking mga kamay at nagpasyang umalis na. Wala na akong magawa kundi ang pagmasdan ka habang papalayo mula sa aking kinatatayuan.

Pinilit kong isalba ang ating relasyon ngunit hindi ko na kaya pang pigilan ang iyong paglisan. Sinabi mong wala ka ng nararamdaman para sa akin at mayroon ka ng iba. Masakit man sa akin ay hindi pa rin nagbago ang aking pagtingin. Ikaw lamang ang iniibig ko ng ganito at sa iyo ko lang naramdaman ang kakaibang saya.
Hanggang ngayo’y umaasa pa ring lilingunin mo pa ako at nagbabakasakaling magbabago pa ang iyong isip. Hanggang ngayo’y umaasa pa rin akong kahit konti man lang ay may natitira pa rin akong puwang sa puso mo.

Bumuhos uli ang malakas na ulan at hindi na kita matanaw. Hindi ko namalayang tumulo na ang kanina pa’y nabuong luha sa aking mga mata. Malamig man ay hindi ko ito alintana dahil sa sakit na aking nadarama. Tinangi kita at minahal ng sobra ngunit sa isang iglap ay bigla mo akong iniwan. Wasak ang puso ko sa pagkakataong ito at hindi ko alam kung paano ako babangong muli. Siya ang una kong mahal at siya rin ang una kong kasawian. Ayoko ng umalis pa sa aking kinatatayuan at umaasa pa ring babalikan niya ako. Tanging hangad ko lamang sa mga sandaling ito ay ang kanyang yakap upang kahit papaano’y maibsan ang nadaramang ito.