Isang magandang umag ang tumambad sa akin mula sa isang mahimbing na pagkakatulog. Agad akong nagpalit ng damit upang lumabas at makalanghap ng sariwang hangin. Napakaaliwalas ng paligid at lahat ng makita kong taong dumadaan ay may ngiti sa kanilang mga labi. Nagpasya akong maglakad lakad muna kahit saglit lang. Sa aking paglalakad ay nadaanan ko ang parke na lagi kong pinupuntahan kapag gusto kong mapag-isa. Naisipan kong magpahinga muna doon. Sa aking pag-upo ay napansin ko ang isang babae sa di kalayuan. Bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan. Nilapitan ko siya.
Umupo ako sa tabi niya. Nakipagkilala ako sa kanya. Kahit na anong sabihin ko ay hindi siya nagsasalita kaya nama’y napagpasyahan kong umalis na lamang at hayaan na lang siyang mapag-isa. Sa aking pagtayo ay tinawag niya ako. Bumalik ako sa aking kinauupuan. Inabot ko ang aking kamay bilang tanda ng pakikipagkaibigan ngunit di niya ito tinanggap. Tinanong ko ang kanyang pangalan ay agad naman siyang tumugon. Tinanong ko siya kung bakit siya mag-isa at malungkot na nakaupo rito sa parke. Ikwenento naman niya ang dahilan. Iniwan daw siya ng lalaking kanyang mahal sa araw mismo ng kanilang kasal. Hindi nito pinanagutan ang kanyang responsibilidad. Mahal na mahal niya ito at ginawa niya ang lahat para lang mapasaya ito ngunit sa bandang huli’y kabiguan lamang ang isusukli nito sa kanya. Habang nagkwekwento ay umagos mula sa kanyang mga mata ang mumunting butil ng luha. Dama ko ang kalungkutan habang nagkwekwento. Naawa ako sa kanyang sitwasyon at maging sa kanyang dinadala. Naisipan kong bilhan siya ng makakain at baka nagugutom na ito kaya nama’y nagpaalam ako upang bumili. Pagkatapos kong bumili ay bumalik ako agad ngunit wala na siya. Bigla nalang siyang umalis. Nag-alala ako sa kanya kaya nama’y hinanap ko siya. Nagtanung-tanong ako sa mga tao sa paligid ngunit walang nakakakilala sa kanya. Kaya’t nagpasya akong pumunta sa simbahan, nagbabakasakaling nandoon siya. Tinanong ko ang pari na aking nakita. Kilala niya ang babaeng aking tinutukoy. Kinumpirma niya na iniwan nga siya ng lalaki sa araw ng kanilang kasal at dahil sa labis na kalungkutan ay nagpakamatay ito. Sa katunayan nga ay katatapos lamang ng misa nito para sa libing bago pa man ako dumating. Magkahalong kilabot at awa ang naramdaman ko sa nalaman. Magkagayun ma’y sana matagpuan niya at ng kanyang anak ang kapayapaan na sa kabila ng kabiguan ay matatamo ang katahimikan.