Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Friday, May 11, 2012

Nakaraan


Bumuhos ang malakas na ulan. Agad na nagsipagtakbuhan ang mga tao upang humanap ng pansamantalang masisilungan hanggang sa tumila ang ulan. Ako nama'y patuloy lang sa paglalakad. Hindi ko alintana ang malamig na mga patak ng ulan sa aking katawan bagkus ramdam ko ang sakit mula sa kaibuturan ng aking puso. Hindi ko lubos maisip kung bakit mo ako iniwan gayong alam naman nating pareho kung gano natin kamahal ang isa't isa. Hanggang ngayo'y hindi pa rin ako makapaniwala na mag-isa nalang ako.

Naalala ko ang mga masasayang sandali na tayo'y magkasama. Masayang masaya ka lalo na kapag naglalakad tayo sa ilalim ng mga bituin. At sa mga pagkakataong iyon ay unti-unti na nating binubuo ang ating mga pangarap at nangako sa isa't isa na tayo pa rin hanggang sa huli. 

Lumipas ang mga araw, naramdaman ko nalang na lumamig ang iyong pakikitungo sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero ramdam ko ako'y iyong iniiwasan. Ilang beses kong tinanong kung bakit ngunit sa tuwing tinatanong kita ay iniiba mo ang usapan. Naging maingat ako sa aking mga galaw. Bawat kilos ko'y pinag-iisipan ko kung magagalit ka o magiging masaya ka sa pinapakita ko. Ngunit sadyang hindi mo makita ang aking pagpupursige para ibalik ang dati.

Kaya nama'y ngayon ay mag-isa. Naglalakad sa gitna ng malakas na buhos ng ulan. Nagpatuloy ako hanggang sa ibaling ko ang aking pansin sa isang malaking puno. Hindi ko inaasahan na makikita kita. Nagsimula akong lumapit sa iyong kinaroroonan. Ngunit bago pa man ako makalapit ng tuluyan ay may dumating upang ika'y sunduin. Yumakap ka at nakita kong muli ang mga ngiti sa iyong labi. Sa oras na iyon ay pakiramdam ko na sinakluban ako ng langit. Pakiramdam ko ay nawasak ang aking puso sa aking nakita. Kaya naman pala ganun ka nalang sa akin dahil may iba ka na palang mahal. Nagpakatanga ako, nagpakagago. Pero anong magagawa ko, minahal kita ngunit sinaktan mo lang ako.

Tuesday, April 3, 2012

Sana


Naglalakad sa kahabaan ng EDSA. Kasabay ng bawat yapak ng aking mga paa ay ang pagtulo ng aking luha. Wala na akong pakialam kung may makakita man basta ang alam ko lang ay gusto kong ilabas ang sakit na nararamdaman. Ewan ko ba kung bakit ako nagkakaganito. Hindi naman ako ganito dati ngunit simula nang makilala kita ay nagbago ang lahat.

Hindi ko akalaing mahuhulog ako ng husto. Hindi ko akalaing matatalo ako ng aking sarili. Ang akala ko dati ay matibay ako. Ang akala ko dati ay kaya ko kahit ano mang sakit. Pero bakit ngayon, parang hindi ko na kakayanin. Ano bang mayroon ka at hindi kita makalimutan? Ano bang mayroon ka na hindi ko mahanap sa iba? Hanggang ngayo'y naghahanap pa rin ako ng kasagutan sa mga tanong na nagpapagulo sa aking isipan.

Hanggang kailan ko ito mararamdaman? Hanggang kailan ako masasaktan? Talagang ganito nalang ba ang aking kapalaran. Nais ko rin namang lumigaya. Sabi nila kapag umiibig ka, para kang nakalutang sa ere lalo na kung kasama mo ang iyong mahal. Ngunit bakit ganoon, kabaligtaran ang aking nararamdaman. Imbes na kaligayahan puro sakit ang aking natatamasa.

Simula't sapol sinabi ko na sa sarili ko na hindi ako magmamahal dahil alam kong masasaktan lang din ako na mas gugustuhin kong mag-isa nalang kaysa naman dumanas pa ng kabiguan. Pero bakit ganoon ikaw na ngayon ang aking kahinaan. Ano nga ba talagang mayroon ka? Kahit gustuhin ko mang yakapin ka ay hindi ko magawa. Maraming mga bagay na hindi na kailanman pwedeng gawin. Mga bagay na dapat sana'y para sa akin. Ewan, litung-lito ang isip ko ngayon at para akong nakalutang. Tulala. 

Sana, sa aking paggising kinabukasan ay mawala na ang sakit. Sana hindi na ako lumuha pa. Sana bukas ako naman ang masaya. Sana bukas ikaw naman ang aking kasama. Sana. Sana.

Monday, April 2, 2012

Pagbabalik



Naglalakad sa tabi ng dagat habang inaalala ang ating nakaraan. Hanggang ngayo'y nasa isip pa rin kita. Isang taon na ang nakalilipas ngunit hindi pa rin mawala sa akin ang sakit na dulot ng iyong paglisan. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mawari kung bakit mo ako iniwan ng hindi man lang nagpapaalam. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maisip kung ano ang nagawang pagkakamali at bakit mo nagawa sa akin iyon.

Mahal pa rin kita at umaasa pa ring darating ang panahon na magkikita tayong muli. Lagi akong pumupunta rito tuwing dapit hapon, nagbabasakaling masilayan kong muli ang iyong maamong mukha. Umaasang maririnig kong muli ang iyong tinig. Para na akong tanga sa kahihintay ngunit hindi ako susuko. Alam kong darating din ang panahon ng iyong pagbabalik.

Nagpasya na akong umuwi na ng may matanaw ako mula sa malayo. "Siya nga.", sambit ko sa aking sarili. Tuwang-tuwa ang puso kong nananaghoy dahil sa tinagal-tagal ng aking paghihintay sa iyong pagbabalik ay eto na, nandito ka na. Tumakbo ako papunta sa kanya ngunit bigla akong natigilan. Nakita kong may kasama siyang iba. Papalapit sila sa aking kinatatayuan. Pilitin ko mang tumakbo palayo ay parang ayaw ng aking mga paa. Mayamaya pa'y nagsalubong ang aming mga mata. 

Nagulat siya nang ako'y makita. Hindi ko rin alam ang aking sasabihin lalo pa't may kasama siyang iba. Nagkamustahan kami. Ipinakilala niya ang kasama. Ikakasal na raw sila sa susunod na linggo. Bigo na naman ako. Hindi maipaliwanag ang sakit na aking nararamdaman. Gustuhin ko mang tanungin kung bakit niya ako iniwan ay hindi ko nagawa. Agad akong tumakbo dahil sa labis na sama ng loob. Marahil hindi niya lang talaga ako mahal kaya niya ako iniwan. Sana makabangon pa ako mula sa pagkakadapang ito. Sana kayanin ko lahat ng ito. Sa ngayo'y ayoko na siyang isipin. Sa ginawa niya, mundo ko'y nagunaw at nagkapira-piraso ang aking puso. Ayoko ng magmahal pa, ang tanging mga katagang nasambit ko sa aking sarili habang patuloy ang pag-agos ng luha mula sa aking mga mata.

Balang araw




Palubog na ang araw. Unti-unti ng nagdidilim ang paligid. Nararamdaman ko na ang malamig na ihip ng hangin. Tulala pa rin akong nakatitig sa malayo na para bagang may pinagmamasdan. Ganito pala ang pakiramdam ng nasasaktan. Noong una'y hindi ko alintana kung may masaktan man ako dahil sa tingin ko'y hindi mangyayari iyon sa akin. Ngunit sadyang mali pala ang aking pananaw, mangyayari din pala sa akin iyon.

Noong una'y hindi ko maamin sa sarili ang unti-unting pag-usbong ng aking nararamdaman. Noong una'y hindi ko lubos maunawaan ang kahulugan ng pag-ibig. Litung-lito ako noong mga sandaling iyon. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Hindi ko rin masabi sapagkat alam kong may mahal ka ng iba.

Pinilit kong pigilan itong nararamdaman para sayo. Ngunit sa paglipas ng mga araw ay lalo kitang minamahal. Natatakot na ako sa nararamdaman kong ito dahil unti-unti na nitong nilalamon ang aking buong pagkatao. Alam kong masasaktan lang ako ngunit hinayaan ko pa ring mahulog ako sayo.

Sadyang napakasaklap ng tadhana. Ngayong natagpuan na kita, tsaka naman hindi tayo pwede para sa isa't isa. Kaya heto ako ngayon, balisa at hindi maintindihan ang nararamdaman. Gusto kitang hagkan ngunit hindi ko magawa. Tatahimik nalang ako sa isang sulok. Alam kong kahit kailan hindi mo ako papaniwalaan at kahit kailan ay hindi mo ako mamahalin dahil meron nakahihigit diyan sa iyong puso. 

Pipilitin ko nalang maghilom ang mga sugat. Kahit mahirap, kakayanin ko. Makakalimutan din kita balang araw. Tanging hiling ko lamang ay sana maalala mo ako kahit magkalayo tayo. At kung sa oras na tayo'y magkitang muli at hindi na kita maalala pa ay sana ipaalala mo ang kahapon. Pilitin mong ipaalala kong sino ako at kung ano ako dati. Iyan lang ang tanging mahihiling ko sa ngayon ngunit sana balang araw maramdaman ko rin ang iyong pagmamahal na inialay mo sa iba.

Thursday, March 29, 2012

Buhay


Minsan sa buhay ng tao, marami iyong mga bagay o pangyayaring hindi mo inaasahan. Mga bagay na sa tingin mo ay ayos na o di kaya ganun na talaga pero darating din pala ang panahon na hindi pala. Mga pangyayaring gugulantang sa iyong pagkatao. Paano nga ba nalalampasan ang mga ito at paano ito haharapin?

Sa totoo lang, wala akong maisagot diyan dahil ako man ay naghahanap din ng kasagutan sa mga tanong na kung saan hindi mawari ng aking isipan. Marahil nakadalawang dekada na ako sa mundong ito ngunit marami pa rin iyong mga bagay na sadyang hindi ko maintindihan. Simple ngunit ang dating sa akin ay napakakomplikado. Marami iyong mga bagay na sa una'y hindi mo paniniwalaan o magkakaroon ka ng duda ngunit kalauna'y tatanggapin mo rin dahil iyon nga talaga ang dapat. 

Bakit nga ba napakahiwaga ng buhay? Andaming mga tanong na naglalaro sa aking isipan sa ngayon. Pagod ma'y nakakapag-isip pa rin ng mga katanungang hindi ko mahanapan ng solusyon. Mga katanungang patuloy na gumigimbala sa aking katauhan.

Lagi kong tinatanong ang aking sarili, "Ako nga ba ito?" dahil minsa'y hindi ko na kilala ang aking sarili. Marahil sang-ayon ka rin sa akin. Marami lang talagang nagbabago hindi lang sa iyo kundi maging sa paligid mo. 

Sa mga pagbabagong iyon ay dapat handa kang harapin ito. Nang sa gayo'y hindi ka maging katulad ko na nangangapa sa dilim. Mahirap mangapa sa dilim lalo na kung wala kang gabay na kahit katiting na ilaw. Ganyan ako, hindi ko mahanap ang aking sarili. 

May mga bagay na sadyang dapat nang bitawan ng di na mangapa pa at gumaan ang dala. Ngunit pano mo naman bibitawan kung nakatali ka naman dito? Patuloy kang naghahanap ng mga bagay o paraan para makawala ngunit hindi mo magawa dahil mas malakas ang hila nila sa iyo. 

Magkagayon man, huwag matakot sa anumang pagpapasyang gagawin dahil sa huli ikaw at ikaw lang din ang makikinabang o nadi nama'y masasawi. Ganyan lang siguro talaga ang hiwaga ng buhay. Pero bakit ganun kahit isipin kong ganun nga eh wala pa rin? Sadyang nakatali lang ba talaga ako? Ang hirap. Basta mangyare na ang mangyare ang mahalaga andito pa rin ako lumalaban.  

Tuesday, March 27, 2012

Alala


Malamig. Isang napakalamig  na hangin ang dumampi sa aking mukha. Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata. Wala akong makita kundi ang kadilimang bumabalot sa paligid. "Nasaan na ako?" ang tanging natanong ko sa aking sarili. Umupo ako saglit para pakiramdaman ang aking paligid at alalahanin ang mga nangyari bago ako mapadpad sa lugar na ito. Ilang minuto ang lumipas ngunit wala akong maisip.Hindi ko lubos mawari kung anong nangyare sa akin.

Tumayo ako. Naglakad. Sa kadilima'y tanging sarili ko lang ang aking nakikita. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Nagbabakasakaling makatagpo ako ng kahit na sino o ano na magpapaalala sa akin ng lahat. Ngunit bakit kahit anong pilit kong gawin ay wala akong maalala.

Sa di kalayuan ay may natanaw ako. Maliwanag. Nilapitan ko. Isang imahe ang tumambad sa akin. "Ito ba ang aking alaala? Sino ka?" tanong ko sa aking sarili. Ilang beses ko man siyang titigan ay hindi ko pa rin maalala kung sino siya. Inabot niya ang kanyang kamay. Agad ko namang iniabot ang aking kamay. 

Hindi ako gaanong nagtitiwala sa mga taong hindi ko kilala ngunit sa pagkakataong iyon ay nagtiwala ako sa kanya. Napakagaan ng pakiramdam ko sa kanya na para bagang nakilala ko na siya noon. Naglibot kami sa kung saan saan kung saan nakita ko ang aking sarili na kasama siya sa lahat ng oras. 

Sa aming paglalakad ay nakita ko ang bawat balik-tanaw. At sa bawat pagkakataong iyon ay mukha niya lamang ang aking nakikita. "Bakit nga ba?", muli kong natanong ang aking sarili. Ngunit wala pa rin akong makuhang sagot hanggang sa unti-unti ng bumabalik ang aking mga alaala. Nagiging malinaw na sa akin kung sino siya sa aking buhay. Tinitigan ko siyang muli at tumingin siya sa akin. Pumatak ang aking luha. Hindi ko alam kung bakit ngunit kalungkutan ang naramdaman ko sa mga oras na iyon. 

Ilang saglit pa'y bigla siyang nawala. Hinahanap ko siya ngunit hindi ko siya makita. Naalala ko na lahat pati ang pagmamahal ko sa kanya. Bakit ngayon ko pa naalala kung saan wala na siya? Bakit hindi ko naalala noong nakita ko siya? Ngayo'y labis ang pagsisisi dahil sa hindi ko nasabi sa kanya ang nararamdaman. Noo'y natatakot akong sabihin ito sapagkat maaaring lumayo siya sa akin. Kung maibabalik ko lang ang nakaraan, kung makikita ko pa siya, sasabihin ko na kung gaano ko siya kamahal. Na kahit hanggang kamatayan ma'y siya pa rin ang aking iibigin. 

Wednesday, February 1, 2012

I love you



Yesterday, you're here with me and now you're nowhere to be found. What did I do that made you left? Am I not worthy of your love? Or there's someone you've found greater than I am.

The wound in my heart can't easily heal. My fragile heart broke into pieces the day you said goodbye. I don't know how to fix this but I guess time can only tell. I did everything to move on but everytime I try to forget the more I remember. Those moments that we spend together are the most precious thing that ever happened to my life. I will always keep and treasure those memories.

Right now, I'm still thinking of you. Are you happy right now? Is there someone beside you that is always there to take care of you? I know, saying that I'm not happy when you're happy with your someone is being selfish, but can you blame me if that's what I feel? I know, someday, I can accept the fact that you're gone, that you are not with me anymore. But there's one thing that I want you to remember, I will always love you and keep you in my heart.

Monday, January 23, 2012

Wakas


Tumila na ang malakas na buhos ng ulan. Unti-unti na ring napapawi ang ulap. Hindi ko pa rin mapigilan ang pagpatak ng aking mga luha habang yakap siya. Sinira ko ang aming relasyon at ngayo'y nagsisisi. Kahit na anumang pilit kong ibalik kung ano man ang meron kami ay wala na ring pag-asa. Bumitiw na siya mula sa aking pagkakayakap. Tumalikod na siya at nagsimulang maglakad palayo mula sa aking kinatatayuan. Nais kong habulin siya ngunit hindi ko maigalaw ang aking mga binti. Para bagang sinasabi nito na kahit habulin mo siya ay hindi na rin siya babalik sa iyo. Napakasakit ng nararamdaman ko ngayon. Wala akong magawa kundi pagmasdan ang kanyang paglayo. Ilang sandali pa'y hindi ko na siya matanaw. Doon ko napagtanto kung gaano siya kahalaga at gaano ko siya kamahal. Huli na nga ba ang lahat? Yan ang tanong na hindi ko mawari ang kasagutan. Hindi ko pa rin mapigilan ang pagpatak ng aking mga luha. Labis labis na ang sakit na nararamdaman. Ayokong umalis sa aking kinatatayuan, baka bumalik pa siya. Ngunit kahit na anong gawin kong hintay ay hindi siya bumabalik. Hanggang dito na lang ba? Wala na ba talagang pag-asa? Masakit man siguro, tatanggapin ko nalang. Hahangarin ko nalang ang kasiyahan niya sa piling ng iba at pipilitin ko nalang din maging masaya kahit na pait ang aking nadarama.