Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Tuesday, March 27, 2012

Alala


Malamig. Isang napakalamig  na hangin ang dumampi sa aking mukha. Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata. Wala akong makita kundi ang kadilimang bumabalot sa paligid. "Nasaan na ako?" ang tanging natanong ko sa aking sarili. Umupo ako saglit para pakiramdaman ang aking paligid at alalahanin ang mga nangyari bago ako mapadpad sa lugar na ito. Ilang minuto ang lumipas ngunit wala akong maisip.Hindi ko lubos mawari kung anong nangyare sa akin.

Tumayo ako. Naglakad. Sa kadilima'y tanging sarili ko lang ang aking nakikita. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Nagbabakasakaling makatagpo ako ng kahit na sino o ano na magpapaalala sa akin ng lahat. Ngunit bakit kahit anong pilit kong gawin ay wala akong maalala.

Sa di kalayuan ay may natanaw ako. Maliwanag. Nilapitan ko. Isang imahe ang tumambad sa akin. "Ito ba ang aking alaala? Sino ka?" tanong ko sa aking sarili. Ilang beses ko man siyang titigan ay hindi ko pa rin maalala kung sino siya. Inabot niya ang kanyang kamay. Agad ko namang iniabot ang aking kamay. 

Hindi ako gaanong nagtitiwala sa mga taong hindi ko kilala ngunit sa pagkakataong iyon ay nagtiwala ako sa kanya. Napakagaan ng pakiramdam ko sa kanya na para bagang nakilala ko na siya noon. Naglibot kami sa kung saan saan kung saan nakita ko ang aking sarili na kasama siya sa lahat ng oras. 

Sa aming paglalakad ay nakita ko ang bawat balik-tanaw. At sa bawat pagkakataong iyon ay mukha niya lamang ang aking nakikita. "Bakit nga ba?", muli kong natanong ang aking sarili. Ngunit wala pa rin akong makuhang sagot hanggang sa unti-unti ng bumabalik ang aking mga alaala. Nagiging malinaw na sa akin kung sino siya sa aking buhay. Tinitigan ko siyang muli at tumingin siya sa akin. Pumatak ang aking luha. Hindi ko alam kung bakit ngunit kalungkutan ang naramdaman ko sa mga oras na iyon. 

Ilang saglit pa'y bigla siyang nawala. Hinahanap ko siya ngunit hindi ko siya makita. Naalala ko na lahat pati ang pagmamahal ko sa kanya. Bakit ngayon ko pa naalala kung saan wala na siya? Bakit hindi ko naalala noong nakita ko siya? Ngayo'y labis ang pagsisisi dahil sa hindi ko nasabi sa kanya ang nararamdaman. Noo'y natatakot akong sabihin ito sapagkat maaaring lumayo siya sa akin. Kung maibabalik ko lang ang nakaraan, kung makikita ko pa siya, sasabihin ko na kung gaano ko siya kamahal. Na kahit hanggang kamatayan ma'y siya pa rin ang aking iibigin. 

No comments:

Post a Comment