Minsan sa buhay ng tao, marami iyong mga bagay o pangyayaring hindi mo inaasahan. Mga bagay na sa tingin mo ay ayos na o di kaya ganun na talaga pero darating din pala ang panahon na hindi pala. Mga pangyayaring gugulantang sa iyong pagkatao. Paano nga ba nalalampasan ang mga ito at paano ito haharapin?
Sa totoo lang, wala akong maisagot diyan dahil ako man ay naghahanap din ng kasagutan sa mga tanong na kung saan hindi mawari ng aking isipan. Marahil nakadalawang dekada na ako sa mundong ito ngunit marami pa rin iyong mga bagay na sadyang hindi ko maintindihan. Simple ngunit ang dating sa akin ay napakakomplikado. Marami iyong mga bagay na sa una'y hindi mo paniniwalaan o magkakaroon ka ng duda ngunit kalauna'y tatanggapin mo rin dahil iyon nga talaga ang dapat.
Bakit nga ba napakahiwaga ng buhay? Andaming mga tanong na naglalaro sa aking isipan sa ngayon. Pagod ma'y nakakapag-isip pa rin ng mga katanungang hindi ko mahanapan ng solusyon. Mga katanungang patuloy na gumigimbala sa aking katauhan.
Lagi kong tinatanong ang aking sarili, "Ako nga ba ito?" dahil minsa'y hindi ko na kilala ang aking sarili. Marahil sang-ayon ka rin sa akin. Marami lang talagang nagbabago hindi lang sa iyo kundi maging sa paligid mo.
Sa mga pagbabagong iyon ay dapat handa kang harapin ito. Nang sa gayo'y hindi ka maging katulad ko na nangangapa sa dilim. Mahirap mangapa sa dilim lalo na kung wala kang gabay na kahit katiting na ilaw. Ganyan ako, hindi ko mahanap ang aking sarili.
May mga bagay na sadyang dapat nang bitawan ng di na mangapa pa at gumaan ang dala. Ngunit pano mo naman bibitawan kung nakatali ka naman dito? Patuloy kang naghahanap ng mga bagay o paraan para makawala ngunit hindi mo magawa dahil mas malakas ang hila nila sa iyo.
Magkagayon man, huwag matakot sa anumang pagpapasyang gagawin dahil sa huli ikaw at ikaw lang din ang makikinabang o nadi nama'y masasawi. Ganyan lang siguro talaga ang hiwaga ng buhay. Pero bakit ganun kahit isipin kong ganun nga eh wala pa rin? Sadyang nakatali lang ba talaga ako? Ang hirap. Basta mangyare na ang mangyare ang mahalaga andito pa rin ako lumalaban.