Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Wednesday, August 21, 2013

Alitaptap


Katatapos lang naming maghapunan nang gabing iyon. Pagkatapos magligpit ng pinagkainan ay lumabas muna ako sandali upang magpahangin. Ito ang gustong-gusto ko, ang banayad na pagdampi ng malamig na hangin sa aking mga pisngi at ang nakakabighaning huni ng mga kuliglig. Naglakad-lakad ako ng konti at pinagmasdan ang paligid. Sadyang napakaganda ng mga alitaptap na animo'y nakikiindayog sa saliw ng musika. "Napakagandang pagmasdan.", ang tanging nasambit ko sa aking sarili. 

Maya-maya pa'y tumunog ang aking cellphone. Agad ko itong dinukot sa aking bulsa upang makita kung sino ang nagtext. Hindi pamilyar sa akin ang numerong iyon at agad kong binuksan upang mabasa ko ang mensahe. Makaraan ang ilang sandali'y tumunog ulit ang aking cellphone na hudyat naman na merong tumatawag. Galing din ang tawag sa kangina'y nagtext. Sinagot ko ang tawag kahit na sa hindi ko kakilala galing. Nakikipagkilala. 

Agad kong nakagaanan ng loob ang tumawag na iyon kaya nama'y tuwing gabi, excited akong umuwi dahil alam kong tatawag siya. Hindi ko maipaliwanag ang aking nadarama noong mga panahong iyon sapagkat sa hindi inaasahang pagkakataon at tao ko pa mahahanap ang kasiyahang aking matagal ng hinahangad. Sa tagal ng panahon na ako'y nagmukmok dahil na rin sa pagkabigo ay ngayon ko lang ulit naramdaman ang tunay na kasiyahan. Siya ang inspirasyon ko at dahilan ng aking pagngiti. At nang dahil sa kanya'y masasabi 
kong naghilom na nga ang mga sugat na iniwan ng kahapon.

Maraming mga bagay ang aming pagkakatulad. Sa pag-uugali, hilig at iba pa. Madalas kwentuhan ng mga nangyare sa buong araw, kwentong nabasa at binabasa, musika at kung anu-ano pa ang laman ng aming pag-uusap.Nagkakilanlan pa kami ng lubusan sa mga paglipas ng mga araw at unti-unti nga'y nahulog ako sa kanya. Ayoko mang aminin nong una'y hindi ko na rin mapigilan pang magpakita ng senyales. 

Nakaugalian ko na rin ang ngumiti kahit na sa mga panahong puno ako ng pangamba dahil alam ko na andyan lang siya upang ako'y pangitiin. Nagkaroon na rin sa wakas ng kulay ang aking buhay. Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit ganoon na lang kadali nawala ang lahat ng aking hinanakit at napalitan ito ng pagmamahal. Wala na rin ang sakit ng kahapon, wala na. 

Ngunit hindi rin nagtagal ang mga sandaling iyon. Bigla na lamang siya nagbago at hiniling na kung maaaring hayaan ko na lamang muna siya. Hanggang sa ngayon ay kahit na anong pangungumusta ay wala na akong narinig mula sa kanya. Masakit mang isipin na wala na ang taong nag-angat sayo mula sa iyong pagkakalugmok ay wala na rin akong magagawa. Hindi man niya sabihin kung ano ang dahilan ay alam ko kung ano iyon na siya namang inaayos ko sa aking sarili. Ngayo'y pursigido na akong alagaan ang sarili ko na sa aming pagkikita'y makita niya na nagkamali siya. Ngayo'y naintindihan kong lubos kung bakit bigla siyang naglaho. May panghihinayang man sa nabuo naming pagkakaibigan ay kakalimutan ko na siya. Ngunit hindi ibig sabihin na isasarado ko na ang aking pintuan sa kung sino man ang darating. Patuloy pa rin ang buhay ika nga. Pero kung ako lang ang tatanungin, gusto ko pa rin siyang makasama, makasamang maglakad upang panoorin ang mga alitaptap kahit na alam ko namang malabo ng mangyari. 

Monday, July 15, 2013

Ngiti

(image from http://fullylivinglife.files.wordpress.com/2012/03/smile-3.jpg)

Palubog na naman ang araw. Parang kanina lang ay nasilayan ko ang pagsikat nito. Una-unahan ang mga tao sa pag-uwi lalo pa't nagbabadya na rin ang pagbuhos ng ulan. Unti-unti ng nilalamon ng dilim ang paligid.

Sa aking paglalakad, ay kita ko ang iba't ibang ekspresyon sa mukha ng mga tao. Sa kanilang mga mukha ay dama ko ang kanilang damdamin at pasanin. May sobra ang kagalakan, may bahid ng pag-aalala, may kalungkutan. Sari saring usapin din ang aking mga narinig at minsan pa ngay napapangiti nalang ako dahil pati mga bagay na walang katuturan ay pinag-uusapan - marahil ay ganun nga talaga.

Bumuhos na ang malakas na ulan. Tumakbo ako patungo sa sakayan ng jeep kasabay ang mga taong nagsisitakbuhan din dahil gaya ko, ayokong mabasa. Napakahaba pa man din ng pila at sa isip-isip ko'y gagabihin na naman ako sa pag-uwi. Unang jeep, pangalawang jeep, pangatlong jeep, hay nakakasawa ng magbilang dahil marami ng jeep ang napuno ng pasahero ngunit hindi pa rin ako nakakasakay. Sadyang nataon na uwian na rin ng mga estudyante at umulan pa, kaya naman ay ganun na lang ang pila.

Isang oras din ang tinagal ng aking pagpila. Sa wakas ay nakasakay na rin ako sa jeep. Umupo ako sa bandang likuran ng jeep para mas madali ang aking pagbaba. Habang pinagmamasdan ang mga pasakay na tao ay napako ang aking sa isang pasaherong parang may mabigat na pasanin. Bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan. Patuloy ko siyang pinagmasdan habang siya ay tulala, hawak ang kanyang cellphone at maya-maya'y patingin tingin dito. Maya maya pa'y tinakpan niya ang kanyang mga mata. Buong akala ko'y matutulog lang siya nang ibabaling ko na sana ang aking tingin sa labas ay tinanggal niya ang kanyang kamay mula sa pagkakatakip ng kanyang mga mata. Nakatitig siya sakin. Nakita ko ang munting butil ng luha sa kanyang mata. Noong mga oras na iyo'y kumonekta siya sa akin. Ramdam ko ang sakit na ipinapahiwatig ng kanyang mga mata. Sa mga sandaling iyon ay nagbalik sakin ang mga nangyare noon. Iyon ay ang mga sandaling labis labis ang aking kalungkutan. Iyon ang mga sandaling ayoko ng maranasan at maalala pa. Nginitian ko siya at kahit hindi mamutawi sa aking mga bibig ang mga katagang "kaya mo yan" ay alam kong nakuha niya ang aking ibig sabihin. Maya-maya pa'y huminto ang jeep at isa-isa nang nagbabaan ang mga pasahero. Sa kabila ng mga taong nagdaraan sa aking harapan ay nakita ko ang munting ngiti sa kanyang mga labi na siya namang sinuklian ko ng ngiti.

Wednesday, January 16, 2013

Panaghoy




Nag-aagaw na ang liwanag at dilim. Ang unti-unting paglubog ng araw ay sadyang nakahuhumaling na tila bagang nanghihikayat pa lalo upang ito'y panoorin.

Madilim na. Hindi ko na makita pa kahit katitining na sinag ng araw. Tumayo na rin ako mula sa aking kinauupuan. Dahan-dahang naglakad sa buhanginan habang iniisip kung ano nga ba ang ginagawa ko sa lugar na ito. Wala akong maalala. Hindi ko alam kung pano ako napadpad dito.

Sa aking paglalakad ay dama ko ang unti-unting paglamig ng simoy ng hangin. Nagpatuloy ako ngunit hindi ko alam ang aking patutunguhan hanggang sa nakaaninag ako ng isang maliwanag na ilaw mula sa di kalayuan. Nagtungo ako sa kinaroroonan ng ilaw. Sa aking paglapit ay natanaw ko ang isang babae.

Napansin kong lumuluha ang kanyang mga mata. Tinanong ko siya kung anong sanhi ng kanyang pagtangis ngunit di niya ako pinansin bagkus ay nilampasan lamang ako at nagpatuloy siya sa paglalakad. Sinundan ko siya at gusto kong alamin kung saan siya patutungo. Muli ko siyang kinausap ngunit hindi siya sumasagot kung kaya'y hindi na ako nagsalita at sumunod na lamang.

Sa kanyang paglalakad ay paulit-ulit niyang binabanggit ang isang pangalan. Pangalan ng isang lalaki. Marahil malapit ang taong ito sa kanya o di kaya'y iniirog niya ito. Marahil nagdulot ito sa kanya ng kabiguan na siyang dahilan ng kanyang pagtangis. Kahit na hindi ko alam kung ano talaga ang nagdudulot sa kanya ng kapaitan ay nadama ko ang kalungkutang hatid ng kanyang imping pag-iyak. Pinagmasdan ko lang siya at maya-maya pa'y huminto siya.

Ikinalat ko ang aking paningin sa paligid. Nanggaling na ako rito. Napaupo siya. Hindi ko maintindihan kung bakit may naramdaman akong kakaiba sa mga oras na iyon. Maya-maya pa'y inilabas niya ang kamay na nakasuksok sa kanyang bulsa. Hawak niya ang isang larawan. Humagulgol siya ng iyak habang pinagmamasdan ito. Hindi ko napigilan ang sarili at tiningnan ko ang hawak na larawan. Laking gulat ko nang makita kung sino ang nasa larawan. Unti-unti kong nilapit ang aking mga kamay upang siya'y yakapin. Nang sa pagkakataong iyon ay mayayakap ko na siya'y tumagos lamang ang aking mga bisig. Saglit siyang napatigil at lumingon.

Gusto ko man siyang yakapin ay hindi ko magawa. Ang tanging magagawa ko na lamang ay ang pagmasdan siya mula rito sa aking kinatatayuan. Ngayo'y malinaw na sa akin ang lahat na kung bakit wala akong maalala sa nakaraan at kung ano ang ginagawa ko sa lugar na ito. Napagtanto ko na rin kung bakit hindi niya ako pinapansin mula pa kaninang una ko siyang nakita. Nasaksihan ko ng mga oras ng gabi ang panaghoy ng isang taong nagmamahal na kahit wala na ang taong pinakatatangi ay minamahal pa rin niya ito at kahit hanggang sa kabilang buhay ay nadadama ko pa rin ang init ng kanyang pagsinta.