Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Wednesday, January 16, 2013

Panaghoy




Nag-aagaw na ang liwanag at dilim. Ang unti-unting paglubog ng araw ay sadyang nakahuhumaling na tila bagang nanghihikayat pa lalo upang ito'y panoorin.

Madilim na. Hindi ko na makita pa kahit katitining na sinag ng araw. Tumayo na rin ako mula sa aking kinauupuan. Dahan-dahang naglakad sa buhanginan habang iniisip kung ano nga ba ang ginagawa ko sa lugar na ito. Wala akong maalala. Hindi ko alam kung pano ako napadpad dito.

Sa aking paglalakad ay dama ko ang unti-unting paglamig ng simoy ng hangin. Nagpatuloy ako ngunit hindi ko alam ang aking patutunguhan hanggang sa nakaaninag ako ng isang maliwanag na ilaw mula sa di kalayuan. Nagtungo ako sa kinaroroonan ng ilaw. Sa aking paglapit ay natanaw ko ang isang babae.

Napansin kong lumuluha ang kanyang mga mata. Tinanong ko siya kung anong sanhi ng kanyang pagtangis ngunit di niya ako pinansin bagkus ay nilampasan lamang ako at nagpatuloy siya sa paglalakad. Sinundan ko siya at gusto kong alamin kung saan siya patutungo. Muli ko siyang kinausap ngunit hindi siya sumasagot kung kaya'y hindi na ako nagsalita at sumunod na lamang.

Sa kanyang paglalakad ay paulit-ulit niyang binabanggit ang isang pangalan. Pangalan ng isang lalaki. Marahil malapit ang taong ito sa kanya o di kaya'y iniirog niya ito. Marahil nagdulot ito sa kanya ng kabiguan na siyang dahilan ng kanyang pagtangis. Kahit na hindi ko alam kung ano talaga ang nagdudulot sa kanya ng kapaitan ay nadama ko ang kalungkutang hatid ng kanyang imping pag-iyak. Pinagmasdan ko lang siya at maya-maya pa'y huminto siya.

Ikinalat ko ang aking paningin sa paligid. Nanggaling na ako rito. Napaupo siya. Hindi ko maintindihan kung bakit may naramdaman akong kakaiba sa mga oras na iyon. Maya-maya pa'y inilabas niya ang kamay na nakasuksok sa kanyang bulsa. Hawak niya ang isang larawan. Humagulgol siya ng iyak habang pinagmamasdan ito. Hindi ko napigilan ang sarili at tiningnan ko ang hawak na larawan. Laking gulat ko nang makita kung sino ang nasa larawan. Unti-unti kong nilapit ang aking mga kamay upang siya'y yakapin. Nang sa pagkakataong iyon ay mayayakap ko na siya'y tumagos lamang ang aking mga bisig. Saglit siyang napatigil at lumingon.

Gusto ko man siyang yakapin ay hindi ko magawa. Ang tanging magagawa ko na lamang ay ang pagmasdan siya mula rito sa aking kinatatayuan. Ngayo'y malinaw na sa akin ang lahat na kung bakit wala akong maalala sa nakaraan at kung ano ang ginagawa ko sa lugar na ito. Napagtanto ko na rin kung bakit hindi niya ako pinapansin mula pa kaninang una ko siyang nakita. Nasaksihan ko ng mga oras ng gabi ang panaghoy ng isang taong nagmamahal na kahit wala na ang taong pinakatatangi ay minamahal pa rin niya ito at kahit hanggang sa kabilang buhay ay nadadama ko pa rin ang init ng kanyang pagsinta.

2 comments:

  1. Ngayon lng ulit nkavisit. Maganda yong kwento. Keep it up

    ReplyDelete
  2. Maraming salamat sa iyong magandang komento. Ngayon ko lang ulit binisita itong blog ko. Sa mga susunod, magpopost na ako ng madalas

    ReplyDelete