Gumagabi na. Mangilan-ngilan nalang ang mga taong naglalakad sa kalye. Karamiha’y pauwi na sa kani-kanilang mga tahanan. Maliban sa mga magsing-irog na namamasyal ay mamamataan din ang mga taong parang walang pakialam sa mundo. Pauwi na rin ako sa mga oras na iyon at sumakay ako sa nakaparadang jeep. Dahil sa nakauwi na ang karamihan, mangilan-ngilan nalang ang sakay ng jeep. Nagsimula ng pumanaog ang jeep. Habang sakay ng jeep ay pinagmamasdan ko ang mga magsing-irog na masayang masaya habang naglalakad. Ayaw ko mang aminin ay pangingimbulo ang aking naramdaman sa mga oras na iyon.
Ilang minuto rin ang lumipas at nanawa na ang aking mga mata sa pagmamasid sa paligid. Pinagmasdan ko naman ang mga taong nakasakay sa jeep at napako ang aking paningin sa isang babaeng ngayon ko lang nakasabay. Maya-maya’y nag-abot siya ng pamasahe sa katabi at bumaba. Hindi ko nasilayan ang mukha niya sapagkat natakpan ng buhok ang kanyang mukha. Dumaan siya sa aking harapan at nakita ko ang pagpatak ng mga luha sa kanyang mga mata. Hindi ko maipaliwanag ang naramdaman kung kalungkutan sa mga oras na iyon. Para bagang dama ko ang kanyang kalungkutan.
Isang araw, muli ko na namang nakasabay ang babaeng iyon. Tumabi ako sa kanya at tinangkang kausapin siya. Kahit na ilang beses ko siyang kausapin ay di niya tinutugon ang kahit na anong tanong ko bagkus hinahawakan niya lamang ang suot niyang kwentas habang pumapatak ang kanyang mga luha. Nag-abot na siya ng pamasahe at bumaba sa harap ng ospital. Napagpasyahan kong bumaba na rin at sundan siya kung saan man siya pupunta.
Nakita ko siyang pumasok sa ospital. Napag-isipisip ko na huwag ng ituloy. Bago pa man ako umalis sa aking kinatatayuan ay nakita ko na ng maayos ang mukha ng misteryosong babae. Parang kilala ko ang babaeng iyon at parang nakita ko na siya ngunit di ko maalaala kung saan at kalian. Napagpasyahan kung ituloy ang pagsunod sa kanya.
Pumasok siya sa isang pribadong kwarto. Binuksan ko ang pinto at tumambad sa aking paningin ang isang lalaking kamukha ko. Lumapit ako sa kinaroroonan ng lalaking iyon. Nakaupo lang ang babae sa gilid habang pinagmamasdan ang lalaking nakahiga. Bumalik sa akin ang aking mga alaala. Ang lalaking nakaratay ay ako. Kaya ganun na lamang ang naramdaman ko ng makita ang babaeng iyon. Kaya pala kahit na ano pang pagtawag ang gawin ko ay hindi niya ako marinig. Kaya pala lagi akong nandoon sa lugar na iyon para sumakay sa jeep.
Sinubukan kong yakapin siya ngunit di ko magawa. Naisin ko mang damayan siya ngunit heto ako, nakaratay, walang malay. Naghihintay na muling masilayan ang liwanag. Naghihintay na muling mayakap ang babaeng aking pinakamamahal at magkaroon ng pagkakataon na muli siyang makasabay sa jeep ng nakangiti at hindi na muling malulumbay.
No comments:
Post a Comment