Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Sunday, March 20, 2011

Karera

          Ramdam ko ang pagod habang tumatakbo. Isa-isang nagsisilabasan ang mga butil ng pawis sa aking katawan. Tanaw ko na ang dulo ng karerang ito ngunit anumang oras ay nanganganib ng sumuko ang aking katawan. Naisin ko mang magpakatatag upang makapagpatuloy ngunit parang kulang pa rin. Ilang ulit ko nang sinabi sa aking sarili na kaya ko ito, na malalampasan ko rin ang pagsubok na ito.  

          Kahit na malapit ng sumuko ang aking katawan ay nagpatuloy pa rin ako. Sa aking pagpapatuloy ay di maiiwasan ang mga hadlang. Hindi pa man ako nakalalayo mula nang ako’y huminto ay napatid ako’t nadapa. Sa aking pagkakadapa ay naisip kong huwag ng ipagpatuloy dahil sa bandang huli’y matatalo rin lang ako. Tumatakbo ang oras, mabilis.  Tumayo ako mula sa pagkakadapa. Nagpatuloy.

          Sa aking pagpapatuloy ay narating ko ang daanang puno ng tinik. Huminto ako pansamantala. Hindi ko kakayanin to kung kaya nama’y naisip kong bumalik na lamang. Paglingon ko sa aking likuran ay namangha ako sa aking nakita. Wala ng daanan pabalik. Para bagang sinasabi ng tadhanang magpatuloy ako kahit na ano pang mangyare at hindi na maaaring bumalik. 

          Handa na ulit akong tahakin ang matinik na daanan. Huminga ako ng malalim at nagpatuloy. Walang katumbas ang sakit na aking naramdaman sa mga oras na iyon. Tiniis ko ang sakit na dulot ng mga tinik na iyon. Katumbas niyo’y mga pangyayare sa buhay ng isang tao na pag nasaktan at nasugat ay kailanma’y hindi na babalik pa sa dati. Maghihilom ma’y mag-iiwan pa rin ng bakat.

          Nalampasan ko rin sa wakas ang daanang puno ng tinik. Tanaw na tanaw ko na ang dulo. Malapit na ang katapusan ng karerang ito. Ngunit di ko akalain na ang pinakamahirap na parte pala’y naghihintay malapit sa dulo. Nakita ko ang mga nangyare sa nakaraan. Masasakit at mapapait na alaala. Mga pinagdaanang dulot ng mga taong may hinanakit sa akin. Mga karanasang kailanman ay di ko malilimutan. Mga pangyayareng nagdulot ng kapaitan sa aking buhay. Huminto ulit ako pansamantala. Habang pinagmamasdan ang mga iyon ay hindi ko namalayan ang mumunting butil ng tubig na tumutulo mula sa aking mga mata.

          Ilang sandali ang lumipas at natapos ang aking kalungkutan kung kaya’y napagpasyahan kong tapusin na ang laban. Iniwan ko lahat ng aking hinanakit sa lugar na iyon at nagpatuloy. Unti-unting gumagaan ang aking pakiramdam habang papalapit ng papalapit sa katapusan nitong karera. Ilang saglit pa’y narating ko rin ang dulo. Nabigyan ng kabuluhan ang lahat ng aking pagpapagal para lamang makarating dito. Marami mang naging sagabal ay hindi yun ang naging dahilan ng aking pagkatalo bagkus naging matatag ako upang harapin pa ang mga naghihintay na pagsubok sa panibagong karera ng aking buhay. Maaaring natapos ko nga ang karerang ito ngunit hindi ko pa rin alam kung anong magiging kapalaran ko. Magkaganun ma’y isa lang ang aking masisigurado, sa kahit ano mang karera na aking pagdadaanan ay magagawa kong ito’y mapagtagumpayan lalo na’t meron akong GABAY na SIYANG nagbibigay ng liwanag sa aking dinaraanan at nagbibigay lakas sa panahon ng aking kahinaan.
 

No comments:

Post a Comment