Chapter 7: Pagtatangka
“Anong balita?” “Mahal na supremo, ikinalulugod kong ibalita na tagumpay ang isinagawang alay. Nagpakita ang takdang lalaki at siya mismo ang nagsagawa ng huling bahagi ng ritwal.” “Magaling. Nalalapit na ang pagbabalik ng ating panginoon. Ipagpatuloy mo lang ang iyong pagbabantay.” “Paano yan mahal na supremo, hindi pa rin natatagpuan ang babaeng itinakda.” “Natagpuan ko na siya at hinihintay ko na lamang ang takdang panahon.”
Tanghali na ng magising ako. Sabado ngayon at naalala ko ang pag-iimbita sa akin ni Alice. Nakalabas na ng ospital si Alice kung kaya’y dumiretso ako sa kanilang bahay. Pagdating ko sa kanilang bahay ay agad akong pinapasok ng kanyang ama. “Kamusta po si Alice?”“Ayon medyo ayos naman na pakiramdam niya. Tingnan mo nalang siya sa kanyang kwarto Rick at ng makapaghanda ako ng merienda.” “Sige po. Salamat.” Nakahiga si Alice nang datnan ko sa kanyang kwarto. Kinausap ko siya ngunit kahit na isang salita ay wala siyang sinabi dala na marahil ng tromang natamo. Hinayaan ko na lamang muna siya at agad din akong nagpaalam sa kanyang ama.
Sa aking paglalakad pauwi ay may nakasalubong akong mga lalaki. Ako’y kanilang dinamput at hindi ko nagawang manlaban dahil sadyang napakarami nila at napakalakas. Nakarating kami sa ilalim ng tulay at doon ay kinausap sila ng kanilang pinuno. “Siya na ba ang takda?” “Opo mahal na pinuno. Siya na nga.” Naglabas ng patalim ang kanilang pinuno at nagsagawa ng ritwal. Dinasalan niya ang patalim na iyon at pagkatapos ng dasal ay inutusan niya ang isang kasamahan na ako’y paslangin sa pamamagitan ng patalim na iyon. Kinuha naman ito ng kanyang tagasunod at nang itututok na ang patalim sa aking leeg ay siya namang pagkapugot ng ulo nito na parang nalaglag lamang na sirang prutas mula sa kanyang puno. Maging ang mga kasama nito’y ganun din ang nangyari.
Laking gulat ko sa mga oras na iyon at agad akong tumakbo. Nakarating ako sa istasyon ng pulis at aking isinalaysay ang buong pangyayari. Pinuntahan ulit naming ang lugar na pinangyarihan nito ngunit laking pagtataka ko nang makita kong wala na ang mga katawan na kanina lamang ay nakahandusay dito at wala nang buhay. Kahit na isang pahit ng dugo sa damuhan ay wala kang makikita. Umalis ang mga pulis habang ako’y tulala pa ring pinagmamasdan ang lugar at pilit tinatanto kung ano nga ba ang nangyare.
Umuwi ako sa bahay. Andun na pala si Ana at kanina pa ako hinihintay. Ikwenento ko sa kanya ang buong pangyayare. “Mabuti nalang at walang nangyareng masama sa iyo. Ang mga taong nagtangka sa iyong buhay ay miyembro ng isang grupo na pumipigil upang maisakatuparan ang propesiya. Gagawin nila ang lahat para pigilan ito. At ang taong pumaslang sa kanila ay miyembro ng kulto na siyang naatasang bantayan ang anumang kilos mo. Maging ang taong napaslang mo sa bahay nila Alice ay miyembro ng kulto.””Wala bang ibang paraan para maiwasan ko ang mga taong gustong pumatay sa akin at sa kulto? Paano kung sabihin ko nalang sa mga taong pumipigil sa propesiya na panig ako sa kanila, na tutol ako sa gusto ng mga kultong iyon?” “Hindi mo maaaring gawin iyon. Sabihin mo man sa kanila iyon ay papatayin ka pa rin nila dahil hindi nila magagawang pigilan ang propesiya hanggat di namamatay ang takdang lalaki. Sa takdang lalaki nakasalalay ang lahat.” Pagkatapos iyong mabanggit ni Ana ay nawala ulit siya na parang bula.