Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Tuesday, May 3, 2011

Paghihiganti 8


Chapter 8: Hiling

          Buong gabi akong di nakatulog at pinag-isipan ko ang mga sinabi ni Ana. Gusto kong makita ang aklat ng propesiya at mabasa kung ano man ang nilalaman nito ngunit hindi ko alam kung papaano. Marahil hihintayin ko nalang ulit ang muling pagbabalik ni Ana.

           Linggo ngayon at nagising ako ng maaga. Nakaugalian ko nang gumising ng maaga lalo na kapag lingo. Nagsisimba ako lagi kasama ni Alice ngunit ngayong araw ay kahit anino ni Alice ay di ko nakita. Napagpasyahan kong daanan siya ngunit nagbago ang aking isip nang maalala ang mga nangyare sa kanya. Marahil ay hindi pa rin siya payagang lumabas ngayon dahil sa mga nangyari kaya nagpunta nalang ako sa simbahan nang mag-isa.

           Sa aking paglalakad papuntang simbahan ay napansin kong parang may sumusunod sa akin kaya naman binilisan ko ang aking paglalakad. Lumiko ako sa isang maliit na eskinita at doo’y inabangan ko siya nang makita ko kung sino ang kanina pa’y sumusunod sa akin. Sa paghihintay kong pumasok siya sa eskinita ay may naramdaman akong kamay na tumapik sa aking likuran. “Huwag kang lilingon. Ako ang naatasang magmasid sa lahat ng ginagawa mo. May ipinaparating lamang na mensahe aming supremo.” Maya-maya pa’y nahilo ako at di ko namalayang nakatulog ako.

          Paggising ko ay nakita ko ang isang lalaking nakatalikod. “Mabuti naman at gising ka na. Ikinagagalak kong makausap ka, ang itinakda.” Bumangon ako sa aking pagkakahiga. “Sino ka?” “Ako ang pinuno ng kultong gustong maisakatuparan ang propesiya o mas kilala bilang kanilang supremo.” Sa mga oras na iyon, kahit nalaman ko na ang kaharap ko ay ang pinuno ng kulto ay wala akong naramdamang kaba o pag-aalala man lamang sa kanyang gagawin sa akin. Sa katunayan ay nakadama ako ng katahimikan at sa aking palagay ay hindi naman siya masama. Ngunit, ayokong magbakasakali kaya nama’y nagpatuloy ako sa aking pagtatanong. “Anong pakay mo at gusto mo akong makausap?” “Nais ko lamang iparating sa iyo na gusto kong pigilan ang propesiya.” Nagulat ako sa sinabi ng kanilang pinuno. “Sa katunayan, napilitan lamang akong sumali sa grupong iyon. Isa lamang akong ordinaryong mamamayan na nakikipagsapalaran araw-araw sa isang piyer dito upang maitaguyod ang aking pamilya. Isang araw, may isang miyembro ng kulto na lumapit sa akin at sinabing ako ang kanilang hinihintay upang mamuno sa kanila. Binalaan ako na papatayin nila ang aking pamilya kapag hindi ako sumunod sa kanya at dala na nga ng takot ay sumama ako sa kanya. Isang ritwal ang kanilang isinagawa at sa ritwal na iyon ay mapapatunayan kung ako nga ang kanilang hinahanap. Hindi ko inaasahan na papasa ako roon at naging pinuno nga nila. Inaral ko ang buong propesiya at may napansin akong maaaring pumigil sa nakatakda.” “Bakit mo ito sinasabi sa akin?” “Gaya nga ng sabi ko sayo, ayokong maisakatuparan ang propesiya.” “Kung totoo nga iyang sinasabi mo ay ano ang maaaring makapagpigil sa nakatakda?” “Mapipigilan ang nakasulat sa propesiya kapag napigilan ang huling pag-aalay.” “Kailan ang huling pag-aalay?” “Sa kalagitnaan ng taong ito kung saan kabilugan ng buwan. Magaganap ang pag-aalay sa lumang sementeryo dito sa atin. Ang kailangan mo lang gawin ay patayin sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan ang taong mag-aalay.” “Papatayin? Ayoko. Ayokong dagdagan pa ang aking kasalanan. May pinatay na ako dati at di ko hahayaang maulit pa iyon.” “Iyon lang ang tanging paraan para mapigilan ang propesiya. Nasa iyong mga kamay ang kaligtasan ng mundo at ng mga taong mahal mo.” “Pero…” “Wala ng pero pero, sumunod ka nalang. Ako ang magsasagawa ng ritwal. Siguraduhin mong mapapaslang mo ako sa isang hawak mo lang. Kapag nagawa mo iyon ay mawawalan ng saysay ang pag-aalay at hindi maisasakatuparan ang propesiya.” Hindi agad ako nakapagsalita sa mga oras na iyon dahil hindi pa rin ako makapaniwala na ang mismong pinuno ng mga kulto ang makikiusap sa akin upang siya’y paslangin at tuldukan na ang propesiya. “Paano ko mapapalabas ang aking kapangyarihan?” “Simple lang. Palabasin mo lahat ang nakatagong galit sa iyong dibdib at magagawa mong gamitin ang iyong kapangyarihan.” Pagkasabi ng mga katagang iyon ng kanilang pinuno ay nagising ako at natagpuaan ko ang aking sarili na nakahandusay.


Chapter 7: Pagtatangka                                                                                        Chapter 9: Bagong kaibigan o kaaway?

No comments:

Post a Comment