Chapter 10: Katauhan ni Icy
Natulala ako ng ilang minuto. “Pangalawa na ‘to.” Sambit ko sa aking sarili. Hindi pa rin ako makapaniwalang magagawa ko ang ganito. Maya-maya pa ay naalala ko ang nangyare kay Icy at dali-dali ko siyang binuhat upang dalhin sa pinakamalapit na pagamutan.
“Mahal na supremo, tagumpay ang sinagawang pagsasanay sa itinakda. Nagawa niyang paslangin ang ipinadala natin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.” “Mabuti naman kung ganoon. Wala na akong duda na magagawa niya ang dapat niyang gawin. Ipagpatuloy niyo lang ang pagbabantay sa kanya at siguraduhin niyong di makakalapit sa kanya ang mga nagtatangkang pigilan ang propesiya.” “Masusunod mahal na supremo!”
Iniwan ko na si Icy sa ospital pagkatapos kong ipaliwanag sa mga magulang niya ang nangyare. Binalikan ko ang pinangyarihan ng nagawa kong krimen. Gaya ng unang beses ay wala ni anino ng taong aking napaslang. Maging ang mga gulu-gulong silya ay naiayos na rin. Hindi ko mapagtanto kung bakit may biglang sumugod sa akin. Marahil kasapi siya ng mga pumipigil na muling mabuhay ang kanilang panginoon.
Umuwi ako ng bahay at buong gabi kong pinag-isipan ang alok ng supremo. Kung ang pagpigil ng huling alay at pagkitil sa kanyang buhay ang tanging paraan upang mapigilan ang propesiya ay handa na akong gawin ito upang matapos na ang lahat ng ito. Wala ng madadamay na iba sa kahangalang matupad ang propesiya. Babalik na rin sa dati ang lahat at magwawakas na rin ang hidwaan sa pagitan ng dalawang grupo. Maya-maya pa ay hindi ko namalayang nakatulog na pala ako.
“Nasaan na ako? Andilim naman, wala akong makita.” “Handa ka na ba sa aking pinapagawa Rick?” “Sino ka?”, pamilyar sa akin ang boses na iyon. “Magpakita ka kung sino ka man! Hindi ako natatakot sa iyo! O baka naduduwag ka naman kaya ayaw mong magpakita?” “Ambilis mo namang makalimot. Ako to, ang supremo. Gusto ko lang kasing malaman ang sagot mo sa inaalok ko sa iyo kaya naman dinalaw kita sa iyong panaginip.” “Oo. Handa na ako upang wakasan ang propesiya. Handa akong gamitin tong kapangyarihang ito upang tuldukan na ang lahat.” “Magaling. Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa iyo dahil sa pagtupad mo sa aking kahilingan. Meron ka nalang isang buwan para paghandaan ang huling pag-aalay. Hanggang sa muli.” “Sandali. May itatanong pa ako.” Nagising ako mula sa pagkakatulog. Hindi ko namalayang alas sais na ng umaga at malalate na naman ako sa pagpasok kung di ako magmamadaling bumangon.
“Mabuti naman at nagising ka na.” “Bat di mo man lang napansin na may kalabang paparating? Bakit ganoon ka kadaling nadale ng kumag na iyon? Mali siguro ang desisyon ng konseho na ilagay ka sa misyong ito. Hindi mo magagawang patayin ang itinakda.” “Bigyan niyo pa ako ng isang pagkakataon at papatunayan kong kaya kong gampanan ang aking misyon. Naghihintay lamang ako ng tamang pagkakataon upang malaman kung saan ang kuta ng mga kulto dahil nararamdaman kong nagkakausap na ang ilang mga miyembro nila kay Rick. At isa pa, para magawa ko iyon ay dapat unti-unti kong makuha ang loob ni Rick.” “Siguraduhin mo lang na hindi ka papalpak sa misyon mong ito dahil alam mo naman ang karampatang parusa sa sinumang hindi nakakagawa ng kanyang misyon.” “Opo mahal na pinuno.”
No comments:
Post a Comment