Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Tuesday, June 21, 2011

Ulan 2


        Isang taon na rin ang lumipas mula noong naranasan ko ang pinakamasaklap na nangyare sa aking buhay. Simula nang araw na iyon ay nagpakalayo ako at hindi na nagpakita pa. Maraming dumating at pilit na binuksan ang aking puso para magmahal ngunit kahit na anong pilit nila ay hindi nila nagawa. Natatakot pa ring masaktan muli.

          Mahirap ang paglimot lalo na sa isang taong pinahalagahan at minahal mo ng tunay. Hanggang ngayon'y siya pa rin ang laman ng aking isipan maging ang aking puso'y siya pa rin ang isinisigaw. Gusto kong lumaban ngunit hindi na maaari dahil siya na ang pinili mong makasama habambuhay. Masakit mang tanggapin ang pagkatalong ito ay gagawin ko para sa ikaliligaya mo.
Nagpatuloy ako sa aking paglalakad habang sinasariwa ang ating mga pinagsamahan. Maaaring sabihin ng ilan na nabubuhay ako sa ilusyon ngunit ilusyon mang maituturing ay mas gugustuhin ko nalang na magkaganoon na kahit ilusyon man lang ay makasama ka.

         Napadaan ako sa lugar kung saan ko binuhos ang lahat ng sakit na naramdaman sa araw ng iyong kasal. Katulad pa rin ng dati ang lahat at nakatirik pa rin ang punong naging saksi ng aking pagtangis. Napagpasyahan kong dito muna at pagmasdan ang paligid. Maya-maya pa'y bumuhos ang malakas na ulan. Dali-dali akong sumilong.

          Ilang minuto na ang lumilipas at di pa rin tumitila ang ulan. Napansin ko ang isang babaeng naglalakad sa kalye. Hindi niya alintana ang malakas na buhos ng ulan. Biglang pumasok sa aking isipan ang nakaraan kung saan ganyan na ganyan din ang aking ginawa. Nilapitan ko ang babaeng iyon at laking gulat ko sa aking nakita. Siya nga! Siya itong nasa harap ko at hindi ako pwedeng magkamali. Kahit na umuulan ay nakikita ko ang luha sa kanyang mga mata. Sa pagkakataong iyon ay hindi ako makakakilos. Bumilis ang pintig ng aking puso at para bagang sinakluban ako ng langit at lupa. Nagkatitigan kami at niyakap niya ako ng mahigpit. Sa buong buhay ko'y wala akong hinangad kundi ang maramdaman ang yakap niya. Sana'y di na magwakas pa ang pagkakataong ito at kung kaya ko lamang pigilan ang takbo ng oras ay gagawin ko makasama ka lamang.

2 comments: