Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Sunday, June 19, 2011

Payo



                Umiiyak ka na naman. Lagi ka nalang ganyan. Ilang beses mo pa ba gustong masaktan ng mapagtanto mong hindi talaga kayo para sa isa’t-isa? Ilang payo pa ba ang gusto mong marinig para tuluyan mo ng tigilan ang kabaliwang ito?
                Sabi mo, mahal mo siya at mahal ka rin niya. Malamang tama ka, nagmamahalan nga kayo. Malamang mahal ka rin niya. Pero hindi mo ba naisip na bakit hindi nga ba pwedeng maging kayo? Hindi mo ba natanong sa iyong sarili na tama bang magmahal ng isang taong merong hindi maiwan? At hindi mo ba natanong sa iyong sarili na totoo nga kaya ang sinasabi niyang pagmamahal para sa iyo? Kung ako ang tatanungin, hindi ko alam. Ikaw din ang maaaring sumagot sa mga katanungang iyan.
                Bawat isa sa atin ay binigyan ng kalayaan upang mamili. Walang mali sa mga pinipili natin ngunit nagiging masama lamang ito kapag nakikita na natin ang kahahantungan ng ating naging desisyon. Tama ka, maaaring maging kayo pero hindi mo ba naisip na maaaring gawin din niya sa iyo ang ginagawa niya ngayon?
                Ang tao, kadalasan bulag. Hindi nila nakikita ang pagkakaiba ng tunay at pagkukunwari. Ang tanging nakikita lamang nila ay ang mga katangiang nais nilang makita sa isang tao at ipinagwawalang bahala ang ibang katangian nito. Sabi nga nila, nasa huli ang pagsisisi. Pero bakit mo pa hihintaying dumating sa puntong ikaw din ang masasaktan kung sa katunayan ngayon pa lang ay maarin mo ng iwasan iyan. 
Ang tao, mabilis magbago ng pananaw, saloobin at maging ang nararamdaman sa isang tao. Ika nga, walang permanente sa mundo. Lahat ng bagay ay may katapusaon maging ang pag-inig ng tao. Ngayon o bukas mahal ka pa niya at sa susunod hindi na dahil nakahanap na naman ng iba. Sa una, pag-ibig lang daw ang pinaiiral ngunit sa likod ng malilikot na imahinasyon ay nandoon pa rin ang pagnanasa. Ikaw naman, dahil sa mahal mo ay handa mong ibigay ang lahat ng walang pag-iimbot. At pagkatapos makuha ang gusto, karamihan naghahanap ng iba. Ganyan ba ang tunay na pag-ibig?
Kung sa ngayon mahal ka pa niya at sasabihin sa akin na iba siya sa mga nakilala mo ang tanong ko lamang ay, iba nga ba?. Kapag dumating ang pagkakataon na humiling siya at sasabihin mong handa ang ibigay ang lahat sa kanya, mag-isip-isip ka. Dahil hindi mo na maibabalik kung ano man ang nawala sa iyo. Paano kung iniwan ka niya? Iiyak ka? Ganyan naman lagi eh, kesyo ibinigay mo na ang lahat pero iniwan ka pa rin. Kesyo minahal mo siya ng buo, paki ba niya? Nakuha na ang gusto eh.
Masaya raw kahit na patagong relasyon pero sa huli sino rin ang masasaktan? Hindi ba ikaw? Antagal ko ng sinasabi sa iyo na minsan ang mga ganyang nararamdaman ay pansamantala lang at kung ihahalintulad sa isang manggang hilaw na pinilit pahinugin ay magiging maasim. Puro puso nalang kasi ang pinapairal, pwede ba minsan gamitin mo naman ang iyong utak? Diba kaya nga nasa itaas ng ating puso ang utak para pag-isipan muna nating mabuti bago pasukin ang anumang relasyong bawal man o hindi.
Marami naman diyang iba pero bakit sa may nabuo ng pag-ibig? Marami naman diyang iba na handang pasayahin ka. Sa tingin mo sasaya ka sa sitwasyon mong iyan? Sa tingin mo masaya rin ang mga taong nasa paligid mo sa tuwing nakikita kang nahihirapan dahil sa “pagmamahal” na iyan?
Pag-isipan mong mabuti iyang mga sinabi ko. Maikli lang ang buhay para magmukmok at paikutin lamang ito sa isang tao na walang ginawa kundi isipin lang na kapag mahal niya ay magagawa niya itong makuha kahit na may masaktan mang iba. Magpakasaya ka. Marami pang pwedeng mangyari. Marami ka pang makikilalang tunay na magmamamahal sa iyo. Panandalian lang iyang “nararamdaman” na iyan. Madali lang naman ang makalimot kung seseryosohin mo ito at hindi puro salita lamang. Alam kong masakit pero magiging masakit pa ba ito kung ito kung mapapagtanto mo at makikita mong ito ang makakabuti sa nakakarami?

1 comment:

  1. KAWAWA NAMAN SI THIRD PARTY .......HAAYZ

    ReplyDelete