Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Monday, March 28, 2011

Paghihiganti 5

 
Chapter 5: Peligro

          Isang mainit na umaga ang sumalubong sa akin. Nagsisimula na ang tag-araw at patapos na rin ang isang taon ng pag-aaral. Ang lahat ay sabik ng magbakasyon, at isa na ako doon. Mag-iisang linggo na ring hindi nagpapakita si Ana o sumasanib kay Jenny. Gusto ko ulit siyang makita ngunit hindi pa rin siya nagpaparamdam. Bumangon na ako at dali-daling naghanda sa pagpasok sa eskwela dahil malalate na naman ako kung babagal bagal ako sa pagkilos. Ilang sandali pa’y nasa baba na si Alice upang sunduin ako.

          Sa aming paglalakad ay napansin ko ang kakaibang sugat sa braso ni Alice. Tinanong ko siya kung napano ang kanyang braso ngunit tumanggi siyang pag-usapan. Hindi pangkaraniwan ang sugat na iyon ni Alice ngunit ayaw niyang sabihin kung saan niya iyon nakuha. Kahit na anong pilit ko kay Alice ay hindi siya nagsasalita bagkus iniiba niya ang usapan na para bagang may inililihim siya.
 
          Nakarating na kami sa silid-aralan at agad namang nagsimula ang klase. Tahimik si Alice sa buong maghapon. Nagsasalita lamang siya kapag tinatanong ko ng kung anu-ano maliban sa sugat sa kanyang braso. Natapos ang klase at sinabayan ko siyang umuwi. Napagpasyahan kong sumaglit sa bahay nila Alice upang tanggapin ang alok niya noong nakaraang araw. Sa pagkakataong iyon ay di siya pumayag na pumasok ako sa kanilang bahay. Marami raw siyang gagawin at walang naihandang pagkaen ang kanyang mama. Nagpaalam ako at nagpatuloy sa paglalakad hanggang makarating na sa bahay.
  
          Sumapit ang gabi. Hindi ako mapakali nang mga oras na iyon. Napagpasyahan kong puntahan si Alice sa kanilang tahanan. Pagdating ko dun ay patay ang mga ilaw at tanging kandila lang ang naaaninag ko mula sa kanilang bintana. Pumasok ako sa kanilang bakuran ng walang paalam. Sumilip ako mula sa kanilang bintana at nakita ko si Alice sa sahig at napapalibutan ng kandila. Nakita ko rin ang dalawang nakatalukbong ng telang itim na nakatayo sa paanan ni Alice. Nangilabot ako sa mga oras na iyon at napagpasyahan kong pumasok sa loob upang marinig ko ang sinasabi ng dalawang animo’y kulto.

           Dumaan ako sa may likuran. Swerte ko at naiwang hindi nakakandado ang pintuan sa may kusina. Patuloy ang paglapit ko sa kinaroroonan ni Alice at ng dalawang taong hindi ko mamukhaan. Wala akong maintindihan sa anumang binabanggit ng dalawang nakatalukbong ng itim. Wala man akong maintindihan ay parang may kung anong pumasok sa akin at bumilis ang pagtibok ng aking puso. Animo’y isinasaliw ako ng mga katagang iyon kahit na hindi ko maintindihan.

Chapter 4: Ang Propesiya                                                                                        Chapter 6: Propesiya

Thursday, March 24, 2011

Paghihiganti 4


Chapter 4: Ang Propesiya

          Nagpatuloy ako sa paglalakad pauwi ng bahay. Nag-aagaw ang dilim at liwanag sa mga oras na iyon. Mangilan-ngilan nalang ang mga tao sa kalye. Sa aking paglalakad ay napansin ko ang isang bata na kanina pa sumusunod sa akin. Liningon ko ang bata at tinangkang kausapin ito. Sa pagtatangka kong kausapin ang bata ay siya namang pagkaripas nito ng takbo na animo’y may nakitang dapat katakutan. Hindi ko iyon pinansin at nagpatuloy ako sa paglalakad. Sa aking paglalakad ay napadaan ako sa isang maliit iskinita na ngayon ko lang nadaanan. Hindi ko maintindihan ang aking sarili at parang wala na akong kontrol rito. Pumasok ako sa makitid na iskinita at hindi ko maintindihan kung bakit sa tinagal tagal ko sa lugar na ito at sa araw-araw ko na paglalakad pauwi ng bahay ay mawawala pa ako sa tamang daan. Parang nasa ibang lugar na ako at ngayon lang ako napadpad dito. Ilang sandali pa’y nakita ko si Jenny at papalapit sa akin.
  
           “Anong ginagawa mo rito Jenny?”, pagtatanong ko sa kanya. “Si Ana to Rick. Dinala kita sa lugar na ito dahil may mga taong gusto kang patayin. Naghihintay sila ngayon sa dati mong dinaraanan.”, tugon ni Ana na may halong pag-aalala. “Sino ang mga iyon at anong pakay nila?”. “Hindi ko alam Rick. Masyado silang marami para kayanin nating dalawa.” “Anong gagawin natin Ana?” “Magpatuloy ka lang sa paglalakad at babantayan kita. Makikita mo rin ang tamang daan pag nakasisiguro na akong malayo ka na sa peligro.”. Matapos bitiwan ni Ana ang mga katagang iyon ay bigla na lamang siyang naglaho. Ako’y litong lito sa pagkakataong iyon at hindi ko na alam kung ano tong mga nangyayare.

          Nagpatuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa napansin kong pamilyar na sakin ang lugar na aking dinadaanan. Bumalik na sa normal ang lahat. Nagmadali na akong umuwi hanggang sa makarating ako sa aking tinitirhan. Pagpasok ko palang ng bahay ay napansin kong sira ang kandado ng pintuan. Pumasok ako sa loob at halos wala na sa ayos ang mga gamit sa loob.

          “Galing sila rito.” “Bakit Ana? Sabihin mo. Gulong-gulo na ako sa mga nangyayare.” “Gustuhin ko man Rick ay wala akong maisip na dahilan. Ang alam ko lamang ay sila ang mga taong gustong pumatay sa iyo. Kung ano mang motibo nila ay hindi ko pa alam. Ang alam ko lamang ay pigilan sila upang di mangyare ang nasa propesiya.” “Propesiya? Anong propesiya Ana?” “Hindi pa ito ang tamang panahon para malaman mo ang tungkol sa propesiya. Hindi pa sa ngayon Rick. Hangga’t di ko pa nalalaman kung sino ang isa pang itinakda.”. Muling nawala ng parang bula si Ana. Naiwan na naman akong walang kaalam-alam sa mga nangyayare. Kung isa man itong panaginip, ay nanaisin ko na lamang magising at bumalik sa normal kong buhay.
Chapter 3: Nagbalik si Ana                                                                                        Chapter 5: Peligro

Monday, March 21, 2011

Paghihiganti 3


Chapter 3: Nagbalik si Ana

          Palabas na ako ng silid-aralan nang makita ko si Jenny sa harap ng silid-aklatan. Agad ko siyang nilapitan at habang pinagmamasdan ko siya ay nakikita ko sa kanya si Ana. Hinagkan ko siya ng mahigpit. Sa pagkakataong iyon ay gusto kong makasiguradong si Ana ang aking kayakap. “Ana, ikaw ba yan?”. “Oo Rick, ako nga ito at nagbalik ako para sa iyo.”, tugon ni Ana. “Anong ginagawa mo diyan sa katawan ni Jenny?”. “Hinihiram pansamantala Rick. Nais kong balaan ka sa kung ano mang darating.”, sagot ni Ana. Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Ana sa akin nang mga oras na iyon kaya tinuloy ko ang pagtatanong. “Ano ba itong sinasabi mong darating Ana? Bat kailangan mo pa akong balaan?”. “Hindi pa ito ang tamang panahon Rick para malaman mo. Ang mahalaga, alam mong andito lang ako sa tabi mo para bantayan ka. Ipangako mong wala kang pagsasabihan na nagkausap tayo.”. “Oo, mahal ko. Basta ipangako mo ring di na tayo magkakawalay pa”, mariin kong tugon. “Hindi maaari Rick. Hindi ako maaring magtagal sa katawang ito. Lalo pat hindi pa ako sigurado kung sino. Basta ang importante, mahal kita Rick!”. “Mahal din kita Ana, pero sino yung tinutukoy mong hindi mo sigurado ? Maaari bang...”. “Ana!? Hindi ako si Ana Rick. Ako si Jenny. Nababaliw ka na ba? Matagal ng wala si Ana.”. Wala na pala sa katawan ni Jenny sa mga oras na iyon kaya naman napagpasyahan kong iwan na lamang si Jenny at bumalik sa silid-aralan. Agad din siyang sumunod sa akin na walang maalala mula pa nang magsimula ang klase.

          Nakabalik na kami ni Jenny sa loob ng silid-aralan. Hindi pa rin mawari ng aking isipan ang mga bagay na napag-usapan namin ni Ana. Maghapon kong inisip ang mga bagay na sinabi sa akin ni Ana at kung sino ang tinutukoy niya. Hindi pa rin ako makapaniwalang kayang magbalik ng isang kaluluwa at makipag-usap sa mga taong gusto nilang kausapin. Ang buong akala ko’y nabubuhay lang ang tao at pagkatapos nun ay nawawala nalang ng parang bula at ipinapanganak muli. Ngunit mali pala ako, sadyang napakahiwaga ng buhay.

           Natapos na ang klase at naghahanda na ang lahat sa pag-uwi. Sabay kaming lumabas ni Alice sa silid-aralan. Tinanong niya ako kung bakit natagalan ako sa paglabas kanina at kung bakit magkasama kami ni Jenny na pumasok sa silid-aralan. Naalala ko ang bilin sa akin ni Ana na wala akong pagsasabihan na kahit na sino kaya agad kong iniba ang usapan namin hanggang sa nakarating kami sa bahay nila Alice. “Pasok ka muna at magmerienda tayo.”, yaya ni Alice. “Sa susunod nalang Alice, kailangan kong umuwi ng maaga ngayon. May pinapagawa pa si mama sa akin.”. “Ah, ganoon ba? Sige ok lang. Pero sa susunod huwag kang tatanggi ha?”. “Sige ba, ako pa. Kung di lang sana ako pinapauwi edi kinain ko na lahat pati merienda mo.”, pabiro kong sabi kay Alice. “O ayan, edi ngumiti ka rin. Alam mo mas gwapo ka kapag nakangiti. Mas marami kang magiging chicks niyan!  Hehe. Pag nakasimangot ka kasi para kang isang matandang tuod. Haha.”. “Asa naman to, matagal ko ng alam na gwapo ako. Kahit di mo pa sabihin haha. O siya, aalis na ako.”

Chapter 2: Si Jenny                                                                                        Chapter 4: Ang Propesiya

Sunday, March 20, 2011

Karera

          Ramdam ko ang pagod habang tumatakbo. Isa-isang nagsisilabasan ang mga butil ng pawis sa aking katawan. Tanaw ko na ang dulo ng karerang ito ngunit anumang oras ay nanganganib ng sumuko ang aking katawan. Naisin ko mang magpakatatag upang makapagpatuloy ngunit parang kulang pa rin. Ilang ulit ko nang sinabi sa aking sarili na kaya ko ito, na malalampasan ko rin ang pagsubok na ito.  

          Kahit na malapit ng sumuko ang aking katawan ay nagpatuloy pa rin ako. Sa aking pagpapatuloy ay di maiiwasan ang mga hadlang. Hindi pa man ako nakalalayo mula nang ako’y huminto ay napatid ako’t nadapa. Sa aking pagkakadapa ay naisip kong huwag ng ipagpatuloy dahil sa bandang huli’y matatalo rin lang ako. Tumatakbo ang oras, mabilis.  Tumayo ako mula sa pagkakadapa. Nagpatuloy.

          Sa aking pagpapatuloy ay narating ko ang daanang puno ng tinik. Huminto ako pansamantala. Hindi ko kakayanin to kung kaya nama’y naisip kong bumalik na lamang. Paglingon ko sa aking likuran ay namangha ako sa aking nakita. Wala ng daanan pabalik. Para bagang sinasabi ng tadhanang magpatuloy ako kahit na ano pang mangyare at hindi na maaaring bumalik. 

          Handa na ulit akong tahakin ang matinik na daanan. Huminga ako ng malalim at nagpatuloy. Walang katumbas ang sakit na aking naramdaman sa mga oras na iyon. Tiniis ko ang sakit na dulot ng mga tinik na iyon. Katumbas niyo’y mga pangyayare sa buhay ng isang tao na pag nasaktan at nasugat ay kailanma’y hindi na babalik pa sa dati. Maghihilom ma’y mag-iiwan pa rin ng bakat.

          Nalampasan ko rin sa wakas ang daanang puno ng tinik. Tanaw na tanaw ko na ang dulo. Malapit na ang katapusan ng karerang ito. Ngunit di ko akalain na ang pinakamahirap na parte pala’y naghihintay malapit sa dulo. Nakita ko ang mga nangyare sa nakaraan. Masasakit at mapapait na alaala. Mga pinagdaanang dulot ng mga taong may hinanakit sa akin. Mga karanasang kailanman ay di ko malilimutan. Mga pangyayareng nagdulot ng kapaitan sa aking buhay. Huminto ulit ako pansamantala. Habang pinagmamasdan ang mga iyon ay hindi ko namalayan ang mumunting butil ng tubig na tumutulo mula sa aking mga mata.

          Ilang sandali ang lumipas at natapos ang aking kalungkutan kung kaya’y napagpasyahan kong tapusin na ang laban. Iniwan ko lahat ng aking hinanakit sa lugar na iyon at nagpatuloy. Unti-unting gumagaan ang aking pakiramdam habang papalapit ng papalapit sa katapusan nitong karera. Ilang saglit pa’y narating ko rin ang dulo. Nabigyan ng kabuluhan ang lahat ng aking pagpapagal para lamang makarating dito. Marami mang naging sagabal ay hindi yun ang naging dahilan ng aking pagkatalo bagkus naging matatag ako upang harapin pa ang mga naghihintay na pagsubok sa panibagong karera ng aking buhay. Maaaring natapos ko nga ang karerang ito ngunit hindi ko pa rin alam kung anong magiging kapalaran ko. Magkaganun ma’y isa lang ang aking masisigurado, sa kahit ano mang karera na aking pagdadaanan ay magagawa kong ito’y mapagtagumpayan lalo na’t meron akong GABAY na SIYANG nagbibigay ng liwanag sa aking dinaraanan at nagbibigay lakas sa panahon ng aking kahinaan.
 

Wednesday, March 16, 2011

Paghihiganti 2



Chapter 2: Si Jenny

          Lumipas ang gabing puno ng hinagpis, ay sinundo ako ni Alice para pumasok. Si Alice ang matalik na kaibigan ni Ana. Simula ng mawala si Ana ay siya na ang laging sumusundo sa akin sa bahay para pumasok sa paaralan. Masaya siyang kasama at sa mga panahong ako’y nalulungkot ay nandiyan siya upang patawanin ako. Sa aming paglalakad ay tinanong ako ni Alice kung okay na ako at sabi ko naman ay okay na kahit papano. Niyaya niya akong lumabas sa sabado dahil wala naman daw kaming gagawin. Di ko siya matanggihan dahil na rin sa bukod sa naging malapit na kami sa isa’t isa ay matalik siyang kaibigan ni Ana. Nakarating kami sa paaralang aming pinapasukan at bago pa man kami makapasok sa silid aralan ay bigla na lang akong hinalikan ni Jenny. Nagulat ang lahat at maski ako man ay nagulat din dahil na rin sa kanyang ginawa. Di ako nakagalaw sa aking kinatatayuan dahil ang halik na iyon ay gaya ng halik ni Ana. Maya-maya pay bigla na lang natumba si Jenny at nawalan ng malay. Dali-dali ko siyang inalalayan at ilang minuto lang ang nakalipas ay nagising si Jenny. Tinanong niya ako kung anong nangyari na para bagang di niya maalala ang ginawa bago pa man mawalan ng malay. Napatingin ang lahat sa kanya at bakas sa kanilang mga mukha ang pagtataka. Bago pa man ulit ako makapagsalita ay nagulat nalang ako nang biglang sampalin ni Alice si Jenny. “Di mo alam kung anong ginawa mo?”, sabi ni Alice. “Wala talaga akong maalala. Ano ba kasing problema mo? Wala naman akong ginagawa sa iyo ha!”, tugon ni Jenny. “At ako pa ngayon ang may problema? Tanungin mo kaya ang lahat ng nandito kung  anong ginawa mo! Kapal ng mukha mo! Tayo na nga Rick!”. Agad kaming pumunta sa aming inuupuan na hanggang sa mga sandaling iyon ay gulat pa rin dahil sa mga pangyayari.

          “Sa tingin mo Alice anong nangyare kay Jenny?” “Aba malay ko, malamang may gusto siya sa iyo kaya ka hinalikan at nagkukunwaring parang walang nangyare.”, tugon ni Alice. “Bat parang galit ka naman at Alice”, tanong ko sa kanya. “Baliw, bat naman ako magagalit? Naiinis lang ako sa mga taong mapagkunwari. Kung mahal mo ang isang tao dapat sinasabi mo hindi yung gumagawa ka pa ng eksena tapos di mo rin kayang panindigan!”. Hindi ko maintindihan si Alice kung bat siya naiinis sa pagkakataong iyon. Binuklat ko na lamang ang aking kwaderno at nagkunwaring nagbabasa para sa nalalapit naming exam kahit na sa totoo lang ay wala namang pumapasok sa aking kokote.

           Nagsimula na ang klase at ang lahat ay nakatutok sa pag-aaral nang biglang para bagang may humaplos sa aking kaliwang pisngi. Banayad at sadyang puno ng pagmamahal ang pakiramdam sa haplos na iyon. Ako’y kinilabutan ng mga sandaling iyon at napansin ko na lamang na  nakatingin sa akin si Jenny. Sa pagkakatitig ko sa kanya ay parang nakita ko sa kanya si Ana. Tinitigan ko siyang mabuti dahil sa pag-aakalang namamalikmata lamang ako ngunit hindi ako nagkakamali, nakikita ko talaga sa kanya si Ana. Di ko namalayang tinatawag pala ako ng aming guro upang basahin ang isang talata sa aklat mabuti na lamang at kinalabit ako ni Alice at itinuro kung anong talata ang babasahin. Pagkatapos kong mabasa, bumalik na ako sa aking pagkakaupo at minsan pa’y sinulyapan ang kinaroroonan ni Jenny. Wala na doon si Jenny nang muli kong tingnan. Tumingin ako sa paligid at hindi ko pa rin siya makita kaya nagpasya akong magpaalam saglit sa aming guro upang pumunta ng banyo.

Chapter 1: Ang Simula                                                                                        Chapter 3: Nagbalik si Ana

Friday, March 11, 2011

Paghihiganti



Chapter 1: Ang Simula

Dalawang taon na ang nakalipas mula ng pumanaw si Ana at ramdam ko pa rin ang sakit. Hanggang sa ngayon, sinisisi ko pa rin ang aking sarili sa nangyari sa kanya dahil buhay pa sana siya ngayon kung dumating ako sa tamang oras. Sa tuwing naaalala ko ang mga sandaling iyon ay di ko mapigilan ang poot ko sa aking sarili na sa sobrang galit ko ay napapasuntok ako sa pader. Kahit na ramdam ko ang sakit ng sugat ng aking nagdurugong kamao ay di nito matutumbasan ang sugat sa aking puso. Mahal ko si Ana at hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin siya. Habang binabalikan ko ang nakaraan, di ko namalayan na naglalakad ako patungo sa kanyang puntod habang sinasabayan ng kalangitan ang pagbuhos ng mga luhang kailanman ay di na maibabalik pa ang mga sandaling kasama ko siya. Sa mga oras na iyon ay napagpasyahan kong tapusin na ang aking buhay para di na makaramdam pa ng sakit at makasama ko siya kung saan man siya naroroon. Nilabas ko ang dalang baril at tinutok sa aking sintido. Ngunit ng tangkain kong pihitin ang gantilyo ay para bagang naparalisado ang aking kamay hanggang sa aking buong katawan. Sa pagkakaparilisa ko ay natumba ako sa lupa at nawalan ng malay.
 
                Iminulat ko ang aking mga mata at nakita ko si Ana. Ako’y bumangon at agad siyang hinagkan ng mahigpit. Sinabi ni ana na mahal niya ako at ako’y nagalak sa sinabi niya. Kung isa man itong panaginip ay ayoko ng magising dahil si ana lamang ang aking mahal at siya ang aking buhay. Tinanong niya ako kung gusto kong sumama kung saan siya nkatira at walang pagdadalawang isip na pumayag ako. Habang kami ay naglalakad ay may naririnig akong tinig mula sa malayo. Habang papalapit ang pinanggagalingan ng tinig ay parang napagtatanto ko na kung sino ang tumatawag sa akin. Di ko pinansin ang tinig sapagkat masaya ako sa mga oras na iyon hanggang sa sinabi ni ana na sa susunod nalang kami pupunta roon. Tinanong ko siya kung bakit at ang sabi niya ay di pa iyon ang takdang panahon. Nang imulat ko ang aking mga mata ay nakita ko si Alice, matalik na kaibigan ni Ana, na nakaupo habang umiiyak. Bago pa man ako makapagtanong kung bakit siya umiiyak ay halos mapahiga ako sa lakas ng sampal niya sa aking mukha. “Ano bang pinaggagawa mo? Hindi mo ba alam kung gano ako nag-alala? Halos 30 minuto na akong narito at nakita ko pa ang hawak mong baril. Nababaliw ka na ba? Marami pang taong magmamahal sayo at hindi lang siya!”, sambit ni Alice. Sa mga oras na iyon ay lumulutang pa ang aking isipan at kahit sa mga katagang kasasambit palang ni Alice ay wala akong maalala.

Tuesday, March 1, 2011

Jeep


          Gumagabi na. Mangilan-ngilan nalang ang mga taong naglalakad sa kalye. Karamiha’y pauwi na sa kani-kanilang mga tahanan. Maliban sa mga magsing-irog na namamasyal ay mamamataan din ang mga taong parang walang pakialam sa mundo. Pauwi na rin ako sa mga oras na iyon at sumakay ako sa nakaparadang jeep. Dahil sa nakauwi na ang karamihan, mangilan-ngilan nalang ang sakay ng jeep. Nagsimula ng pumanaog ang jeep. Habang sakay ng jeep ay pinagmamasdan ko ang mga magsing-irog na masayang masaya habang naglalakad. Ayaw ko mang aminin ay pangingimbulo ang aking naramdaman sa mga oras na iyon. 
          
          Ilang minuto rin ang lumipas at nanawa na ang aking mga mata sa pagmamasid sa paligid. Pinagmasdan ko naman ang mga taong nakasakay sa jeep at napako ang aking paningin sa isang babaeng ngayon ko lang nakasabay. Maya-maya’y nag-abot siya ng pamasahe sa katabi at bumaba. Hindi ko nasilayan ang mukha niya sapagkat natakpan ng buhok ang kanyang mukha. Dumaan siya sa aking harapan at nakita ko ang pagpatak ng mga luha sa kanyang mga mata. Hindi ko maipaliwanag ang naramdaman kung kalungkutan sa mga oras na iyon. Para bagang dama ko ang kanyang kalungkutan.

          Isang araw, muli ko na namang nakasabay ang babaeng iyon. Tumabi ako sa kanya at tinangkang kausapin siya. Kahit na ilang beses ko siyang kausapin ay di niya tinutugon ang kahit na anong tanong ko bagkus hinahawakan niya lamang ang suot niyang kwentas habang pumapatak ang kanyang mga luha. Nag-abot na siya ng pamasahe at bumaba sa harap ng ospital. Napagpasyahan kong bumaba na rin at sundan siya kung saan man siya pupunta.

          Nakita ko siyang pumasok sa ospital. Napag-isipisip ko na huwag ng ituloy. Bago pa man ako umalis sa aking kinatatayuan ay nakita ko na ng maayos ang mukha ng misteryosong babae. Parang kilala ko ang babaeng iyon at parang nakita ko na siya ngunit di ko maalaala kung saan at kalian. Napagpasyahan kung ituloy ang pagsunod sa kanya. 

          Pumasok siya sa isang pribadong kwarto. Binuksan ko ang pinto at tumambad sa aking paningin ang isang lalaking kamukha ko. Lumapit ako sa kinaroroonan ng lalaking iyon. Nakaupo lang ang babae sa gilid habang pinagmamasdan ang lalaking nakahiga. Bumalik sa akin ang aking mga alaala. Ang lalaking nakaratay ay ako. Kaya ganun na lamang ang naramdaman ko ng makita ang babaeng iyon. Kaya pala kahit na ano pang pagtawag ang gawin ko ay hindi niya ako marinig. Kaya pala lagi akong nandoon sa lugar na iyon para sumakay sa jeep.  

           Sinubukan kong yakapin siya ngunit di ko magawa. Naisin ko mang damayan siya ngunit heto ako, nakaratay, walang malay. Naghihintay na muling masilayan ang liwanag. Naghihintay na muling mayakap ang babaeng aking pinakamamahal at magkaroon ng pagkakataon na muli siyang makasabay sa jeep ng nakangiti at hindi na muling malulumbay.