Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Wednesday, August 20, 2014

Larawan

Heto na naman ako nakatitig sa iyong larawan. Inaalala ang mga sandaling nakikita kang nakangiti, mga sandaling ako'y lubha mong napahanga. Inaalala ang mga bagay-bagay na iyong ginawa na sadyang hindi ko magawang kalimutan.

Una palang kitang makita, hindi ko mawari ang aking naramdaman. Para bagang tinamaan ako ng kidlat na sa unang tingin palang ako'y humanga. Noong una hindi ko inintindi, ngunit nang araw-araw na kitang nakikita ay lalo pang tumindi ang nararamdaman. Nahulog ako sa iyong patibong. Hindi ko maintindihan kung anong meron ka na wala sa iba at sayo ko lang naramdaman ito. Hindi ko maintindihan ang sayang dulot mo sa tuwing nakikita ka.

Sa lahat ng aking nakilala, sayo lang ako naging ganito. Kahit ano mang pagpigil ko sa sarili kong magpadala sayo ng mensahe ay parang nagkakabuhay ang aking mga daliri. At sa tuwing makakatanggap ako ng sagot mula sayo ay hindi mo lang alam, para akong aatakihin sa saya.

Lumipas ang mga araw, lalo pa akong nahulog. Kung noon kaya ko pang pigilan, ngayon hindi ko na mapigilang mahulog pa sayo. Ewan ko ba kung anong mahika meron ka at para akong nagagayuma sa tuwing ngumingiti ka. Minsan nga napapangiti nalang din ako ng kusa habang inisip ko ang maamo mong mukha. Baliw mang maituturing, wala akong pakialam basta ang alam ko lang, ikaw at ikaw ang aking inspirasyon. Hindi lang inspirasyon, mahal na nga ata kita kung yun ang mas magandang makapaglalarawan ng nadarama ko para sayo.

Nakakalungkot mang isipin na may gusto kang iba, hindi ko naman pwedeng ipagsiksikan ang sarili ko. Ang maipapangako ko lang ay eto, andito lang ako para sayo. Na kahit anong mangyare, hindi pa rin magbabago kung ano man ang nararamdaman ko sayo. Kahit na sa larawan mo lang, masaya na ako.

Sunday, May 25, 2014

Haplos


Andito ako ngayon sa isang madilim na sulok, naghihintay, nag-aalala. Isang aksidente lamang ang nangyare at walang may gusto ni isa man satin. Ngunit hindi ko pa rin mapigilang sisihin ang aking sarili sa nangyare, at iyon din ang husga ng mga taong nakapaligid satin.

Kahapon, naghahanda ako para sa ating pagkikita. Bakas sa aking mukha ang labis na pagkasabik na makita kang muli. Ilang taon ka ring namalagi sa ibang bansa upang ipagpatuloy ang iyong pag-aaral. Bago ka umalis, nangako tayo sa isa't isa na maghihintayan tayo, na walang makakalimot. At kahit ano pang mangyare ay sisiguraduhin natin na tayo hanggang huli. Ngayon nga'y magkikita tayong muli, labis ang kagalakang aking nadarama. Sapagkat sa araw na ito ay magpapahiwatig na akong lumagay sa tahimik.

Dala ang singsing na siyang simbolo ng aking wagas na pagmamahal, ako'y nagtungo sa ating tagpuan. Noo'y nakita kitang nakatalikod sa lilim ng puno, malayo ang tingin at tila baga'y may kung anong bumabagabag. Lumapit ako. Lumingon ka. Nagbigay ka ng isang ngiti, matipid na ngiti. Nagsimula kang magkwento ng mga nangyare sayo. Nangilid ang aking luha hanggang hindi na nito mapigilan ang pagbagsak. Kasal ka na pala sa anak ng isang negosyante sa Amerika at nagawa mo iyon dahil iyon ang desisyon ng iyong mga magulang. Wala kang magawa kundi sundin sila dahil nalugi ang kanilang negosyo at naubos na lahat ang kanilang napundar. Kaya naman kahit ayaw mo ay napilitan ka dahil sa awa sa iyong mga magulang.

Hindi ko nakayanang makinig pa sa iyong mga paliwanag kaya ako'y unti unti ng lumayo mula sayo. Ang sakit na nararamdaman ko sa aking dibdib ay tila di ko na makayanan at kahit ano mang saglit ako'y sasabog na. Hinabol mo ako ngunit hindi kita alintana. Hanggang sa nakatawid ako sa kabilang kalsada at may narinig ako mula sa aking likuran. Nanginig ang buo kong katauhan at nilingon ang aking likuran. Nakita kitang nakahandusay, duguan. Nagising ako sa aking ulirat at dali-daling tumakbo papalapit sayo.

Ngayon naghihintay ako, nagbabakasakaling magising ka. Maya-maya pa'y nagtakbuhan ang doktor at mga nars papunta sayo. May kung anong humaplos sa aking pisngi, malamig. At sa kawala'y narinig ko ang mga katagal, mahal kita. Hindi ko namalayan ang pagtulo ng aking mga luha. Hinagpis ang aking naramdaman at kailan ma'y mamahalin kita hanggang sa muli nating pagkikita.

Wednesday, August 21, 2013

Alitaptap


Katatapos lang naming maghapunan nang gabing iyon. Pagkatapos magligpit ng pinagkainan ay lumabas muna ako sandali upang magpahangin. Ito ang gustong-gusto ko, ang banayad na pagdampi ng malamig na hangin sa aking mga pisngi at ang nakakabighaning huni ng mga kuliglig. Naglakad-lakad ako ng konti at pinagmasdan ang paligid. Sadyang napakaganda ng mga alitaptap na animo'y nakikiindayog sa saliw ng musika. "Napakagandang pagmasdan.", ang tanging nasambit ko sa aking sarili. 

Maya-maya pa'y tumunog ang aking cellphone. Agad ko itong dinukot sa aking bulsa upang makita kung sino ang nagtext. Hindi pamilyar sa akin ang numerong iyon at agad kong binuksan upang mabasa ko ang mensahe. Makaraan ang ilang sandali'y tumunog ulit ang aking cellphone na hudyat naman na merong tumatawag. Galing din ang tawag sa kangina'y nagtext. Sinagot ko ang tawag kahit na sa hindi ko kakilala galing. Nakikipagkilala. 

Agad kong nakagaanan ng loob ang tumawag na iyon kaya nama'y tuwing gabi, excited akong umuwi dahil alam kong tatawag siya. Hindi ko maipaliwanag ang aking nadarama noong mga panahong iyon sapagkat sa hindi inaasahang pagkakataon at tao ko pa mahahanap ang kasiyahang aking matagal ng hinahangad. Sa tagal ng panahon na ako'y nagmukmok dahil na rin sa pagkabigo ay ngayon ko lang ulit naramdaman ang tunay na kasiyahan. Siya ang inspirasyon ko at dahilan ng aking pagngiti. At nang dahil sa kanya'y masasabi 
kong naghilom na nga ang mga sugat na iniwan ng kahapon.

Maraming mga bagay ang aming pagkakatulad. Sa pag-uugali, hilig at iba pa. Madalas kwentuhan ng mga nangyare sa buong araw, kwentong nabasa at binabasa, musika at kung anu-ano pa ang laman ng aming pag-uusap.Nagkakilanlan pa kami ng lubusan sa mga paglipas ng mga araw at unti-unti nga'y nahulog ako sa kanya. Ayoko mang aminin nong una'y hindi ko na rin mapigilan pang magpakita ng senyales. 

Nakaugalian ko na rin ang ngumiti kahit na sa mga panahong puno ako ng pangamba dahil alam ko na andyan lang siya upang ako'y pangitiin. Nagkaroon na rin sa wakas ng kulay ang aking buhay. Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit ganoon na lang kadali nawala ang lahat ng aking hinanakit at napalitan ito ng pagmamahal. Wala na rin ang sakit ng kahapon, wala na. 

Ngunit hindi rin nagtagal ang mga sandaling iyon. Bigla na lamang siya nagbago at hiniling na kung maaaring hayaan ko na lamang muna siya. Hanggang sa ngayon ay kahit na anong pangungumusta ay wala na akong narinig mula sa kanya. Masakit mang isipin na wala na ang taong nag-angat sayo mula sa iyong pagkakalugmok ay wala na rin akong magagawa. Hindi man niya sabihin kung ano ang dahilan ay alam ko kung ano iyon na siya namang inaayos ko sa aking sarili. Ngayo'y pursigido na akong alagaan ang sarili ko na sa aming pagkikita'y makita niya na nagkamali siya. Ngayo'y naintindihan kong lubos kung bakit bigla siyang naglaho. May panghihinayang man sa nabuo naming pagkakaibigan ay kakalimutan ko na siya. Ngunit hindi ibig sabihin na isasarado ko na ang aking pintuan sa kung sino man ang darating. Patuloy pa rin ang buhay ika nga. Pero kung ako lang ang tatanungin, gusto ko pa rin siyang makasama, makasamang maglakad upang panoorin ang mga alitaptap kahit na alam ko namang malabo ng mangyari. 

Monday, July 15, 2013

Ngiti

(image from http://fullylivinglife.files.wordpress.com/2012/03/smile-3.jpg)

Palubog na naman ang araw. Parang kanina lang ay nasilayan ko ang pagsikat nito. Una-unahan ang mga tao sa pag-uwi lalo pa't nagbabadya na rin ang pagbuhos ng ulan. Unti-unti ng nilalamon ng dilim ang paligid.

Sa aking paglalakad, ay kita ko ang iba't ibang ekspresyon sa mukha ng mga tao. Sa kanilang mga mukha ay dama ko ang kanilang damdamin at pasanin. May sobra ang kagalakan, may bahid ng pag-aalala, may kalungkutan. Sari saring usapin din ang aking mga narinig at minsan pa ngay napapangiti nalang ako dahil pati mga bagay na walang katuturan ay pinag-uusapan - marahil ay ganun nga talaga.

Bumuhos na ang malakas na ulan. Tumakbo ako patungo sa sakayan ng jeep kasabay ang mga taong nagsisitakbuhan din dahil gaya ko, ayokong mabasa. Napakahaba pa man din ng pila at sa isip-isip ko'y gagabihin na naman ako sa pag-uwi. Unang jeep, pangalawang jeep, pangatlong jeep, hay nakakasawa ng magbilang dahil marami ng jeep ang napuno ng pasahero ngunit hindi pa rin ako nakakasakay. Sadyang nataon na uwian na rin ng mga estudyante at umulan pa, kaya naman ay ganun na lang ang pila.

Isang oras din ang tinagal ng aking pagpila. Sa wakas ay nakasakay na rin ako sa jeep. Umupo ako sa bandang likuran ng jeep para mas madali ang aking pagbaba. Habang pinagmamasdan ang mga pasakay na tao ay napako ang aking sa isang pasaherong parang may mabigat na pasanin. Bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan. Patuloy ko siyang pinagmasdan habang siya ay tulala, hawak ang kanyang cellphone at maya-maya'y patingin tingin dito. Maya maya pa'y tinakpan niya ang kanyang mga mata. Buong akala ko'y matutulog lang siya nang ibabaling ko na sana ang aking tingin sa labas ay tinanggal niya ang kanyang kamay mula sa pagkakatakip ng kanyang mga mata. Nakatitig siya sakin. Nakita ko ang munting butil ng luha sa kanyang mata. Noong mga oras na iyo'y kumonekta siya sa akin. Ramdam ko ang sakit na ipinapahiwatig ng kanyang mga mata. Sa mga sandaling iyon ay nagbalik sakin ang mga nangyare noon. Iyon ay ang mga sandaling labis labis ang aking kalungkutan. Iyon ang mga sandaling ayoko ng maranasan at maalala pa. Nginitian ko siya at kahit hindi mamutawi sa aking mga bibig ang mga katagang "kaya mo yan" ay alam kong nakuha niya ang aking ibig sabihin. Maya-maya pa'y huminto ang jeep at isa-isa nang nagbabaan ang mga pasahero. Sa kabila ng mga taong nagdaraan sa aking harapan ay nakita ko ang munting ngiti sa kanyang mga labi na siya namang sinuklian ko ng ngiti.

Wednesday, January 16, 2013

Panaghoy




Nag-aagaw na ang liwanag at dilim. Ang unti-unting paglubog ng araw ay sadyang nakahuhumaling na tila bagang nanghihikayat pa lalo upang ito'y panoorin.

Madilim na. Hindi ko na makita pa kahit katitining na sinag ng araw. Tumayo na rin ako mula sa aking kinauupuan. Dahan-dahang naglakad sa buhanginan habang iniisip kung ano nga ba ang ginagawa ko sa lugar na ito. Wala akong maalala. Hindi ko alam kung pano ako napadpad dito.

Sa aking paglalakad ay dama ko ang unti-unting paglamig ng simoy ng hangin. Nagpatuloy ako ngunit hindi ko alam ang aking patutunguhan hanggang sa nakaaninag ako ng isang maliwanag na ilaw mula sa di kalayuan. Nagtungo ako sa kinaroroonan ng ilaw. Sa aking paglapit ay natanaw ko ang isang babae.

Napansin kong lumuluha ang kanyang mga mata. Tinanong ko siya kung anong sanhi ng kanyang pagtangis ngunit di niya ako pinansin bagkus ay nilampasan lamang ako at nagpatuloy siya sa paglalakad. Sinundan ko siya at gusto kong alamin kung saan siya patutungo. Muli ko siyang kinausap ngunit hindi siya sumasagot kung kaya'y hindi na ako nagsalita at sumunod na lamang.

Sa kanyang paglalakad ay paulit-ulit niyang binabanggit ang isang pangalan. Pangalan ng isang lalaki. Marahil malapit ang taong ito sa kanya o di kaya'y iniirog niya ito. Marahil nagdulot ito sa kanya ng kabiguan na siyang dahilan ng kanyang pagtangis. Kahit na hindi ko alam kung ano talaga ang nagdudulot sa kanya ng kapaitan ay nadama ko ang kalungkutang hatid ng kanyang imping pag-iyak. Pinagmasdan ko lang siya at maya-maya pa'y huminto siya.

Ikinalat ko ang aking paningin sa paligid. Nanggaling na ako rito. Napaupo siya. Hindi ko maintindihan kung bakit may naramdaman akong kakaiba sa mga oras na iyon. Maya-maya pa'y inilabas niya ang kamay na nakasuksok sa kanyang bulsa. Hawak niya ang isang larawan. Humagulgol siya ng iyak habang pinagmamasdan ito. Hindi ko napigilan ang sarili at tiningnan ko ang hawak na larawan. Laking gulat ko nang makita kung sino ang nasa larawan. Unti-unti kong nilapit ang aking mga kamay upang siya'y yakapin. Nang sa pagkakataong iyon ay mayayakap ko na siya'y tumagos lamang ang aking mga bisig. Saglit siyang napatigil at lumingon.

Gusto ko man siyang yakapin ay hindi ko magawa. Ang tanging magagawa ko na lamang ay ang pagmasdan siya mula rito sa aking kinatatayuan. Ngayo'y malinaw na sa akin ang lahat na kung bakit wala akong maalala sa nakaraan at kung ano ang ginagawa ko sa lugar na ito. Napagtanto ko na rin kung bakit hindi niya ako pinapansin mula pa kaninang una ko siyang nakita. Nasaksihan ko ng mga oras ng gabi ang panaghoy ng isang taong nagmamahal na kahit wala na ang taong pinakatatangi ay minamahal pa rin niya ito at kahit hanggang sa kabilang buhay ay nadadama ko pa rin ang init ng kanyang pagsinta.

Friday, May 11, 2012

Nakaraan


Bumuhos ang malakas na ulan. Agad na nagsipagtakbuhan ang mga tao upang humanap ng pansamantalang masisilungan hanggang sa tumila ang ulan. Ako nama'y patuloy lang sa paglalakad. Hindi ko alintana ang malamig na mga patak ng ulan sa aking katawan bagkus ramdam ko ang sakit mula sa kaibuturan ng aking puso. Hindi ko lubos maisip kung bakit mo ako iniwan gayong alam naman nating pareho kung gano natin kamahal ang isa't isa. Hanggang ngayo'y hindi pa rin ako makapaniwala na mag-isa nalang ako.

Naalala ko ang mga masasayang sandali na tayo'y magkasama. Masayang masaya ka lalo na kapag naglalakad tayo sa ilalim ng mga bituin. At sa mga pagkakataong iyon ay unti-unti na nating binubuo ang ating mga pangarap at nangako sa isa't isa na tayo pa rin hanggang sa huli. 

Lumipas ang mga araw, naramdaman ko nalang na lumamig ang iyong pakikitungo sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero ramdam ko ako'y iyong iniiwasan. Ilang beses kong tinanong kung bakit ngunit sa tuwing tinatanong kita ay iniiba mo ang usapan. Naging maingat ako sa aking mga galaw. Bawat kilos ko'y pinag-iisipan ko kung magagalit ka o magiging masaya ka sa pinapakita ko. Ngunit sadyang hindi mo makita ang aking pagpupursige para ibalik ang dati.

Kaya nama'y ngayon ay mag-isa. Naglalakad sa gitna ng malakas na buhos ng ulan. Nagpatuloy ako hanggang sa ibaling ko ang aking pansin sa isang malaking puno. Hindi ko inaasahan na makikita kita. Nagsimula akong lumapit sa iyong kinaroroonan. Ngunit bago pa man ako makalapit ng tuluyan ay may dumating upang ika'y sunduin. Yumakap ka at nakita kong muli ang mga ngiti sa iyong labi. Sa oras na iyon ay pakiramdam ko na sinakluban ako ng langit. Pakiramdam ko ay nawasak ang aking puso sa aking nakita. Kaya naman pala ganun ka nalang sa akin dahil may iba ka na palang mahal. Nagpakatanga ako, nagpakagago. Pero anong magagawa ko, minahal kita ngunit sinaktan mo lang ako.

Tuesday, April 3, 2012

Sana


Naglalakad sa kahabaan ng EDSA. Kasabay ng bawat yapak ng aking mga paa ay ang pagtulo ng aking luha. Wala na akong pakialam kung may makakita man basta ang alam ko lang ay gusto kong ilabas ang sakit na nararamdaman. Ewan ko ba kung bakit ako nagkakaganito. Hindi naman ako ganito dati ngunit simula nang makilala kita ay nagbago ang lahat.

Hindi ko akalaing mahuhulog ako ng husto. Hindi ko akalaing matatalo ako ng aking sarili. Ang akala ko dati ay matibay ako. Ang akala ko dati ay kaya ko kahit ano mang sakit. Pero bakit ngayon, parang hindi ko na kakayanin. Ano bang mayroon ka at hindi kita makalimutan? Ano bang mayroon ka na hindi ko mahanap sa iba? Hanggang ngayo'y naghahanap pa rin ako ng kasagutan sa mga tanong na nagpapagulo sa aking isipan.

Hanggang kailan ko ito mararamdaman? Hanggang kailan ako masasaktan? Talagang ganito nalang ba ang aking kapalaran. Nais ko rin namang lumigaya. Sabi nila kapag umiibig ka, para kang nakalutang sa ere lalo na kung kasama mo ang iyong mahal. Ngunit bakit ganoon, kabaligtaran ang aking nararamdaman. Imbes na kaligayahan puro sakit ang aking natatamasa.

Simula't sapol sinabi ko na sa sarili ko na hindi ako magmamahal dahil alam kong masasaktan lang din ako na mas gugustuhin kong mag-isa nalang kaysa naman dumanas pa ng kabiguan. Pero bakit ganoon ikaw na ngayon ang aking kahinaan. Ano nga ba talagang mayroon ka? Kahit gustuhin ko mang yakapin ka ay hindi ko magawa. Maraming mga bagay na hindi na kailanman pwedeng gawin. Mga bagay na dapat sana'y para sa akin. Ewan, litung-lito ang isip ko ngayon at para akong nakalutang. Tulala. 

Sana, sa aking paggising kinabukasan ay mawala na ang sakit. Sana hindi na ako lumuha pa. Sana bukas ako naman ang masaya. Sana bukas ikaw naman ang aking kasama. Sana. Sana.