Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Monday, November 21, 2011

Gabi

Unti-unti ng nilalamon ng dilim ang natitirang liwanag sa kalangitan at hudyat na rin ng isang gabing wala ka na naman sa aking piling. Hindi ko na kaya pang mag-isa pa sapagkat ikaw lamang ang aking tinatangi. Sobrang pighati ang aking naramdaman nung ika'y nagdesisyong lumayo sa akin. Gusto ko mang pigilan ang iyong paglayo ay wala rin akong nagawa.

Ilang gabi na rin akong nangungulila sa iyong mga yakap. Ang mga kwento mong dating masakit ng pakinggan dahil paulit-ulit ay siya naman ngayong hinahanap hanap. Ang iyong mga ngiti na kay sarap pagmasdan ay nais ko ulit makita. Nasaan ka na nga ba aking irog?

Puso ko'y hinahanap hanap ka. Hanggang ngayon ay nagbabakasakaling babalik ka pa sa akin. Walang oras na hindi kita inisip na kahit ngayo'y walang kwentang usapan ay hanap makausap ka lamang. Hindi ko na kaya pang mawalay pa sa iyo. Ikaw lang ang aking pinangarap at ikaw lang ang aking papangarapin. Magbalik ka lang, magiging masaya na ulit ang puso kong nangungulila. Mahal kita at iyon at iyon lang ang aking masasabi dahil ikaw lang ang mundo ko ang siyang kumumpleto sa aking pagkatao.

Tuesday, November 8, 2011

Tala




Una palang kitang makita, ako’y nabighani na. Sa taglay mong katangian , ako’y lubos na humanga. Hindi lang sa anyong pisikal, kundi sa kagandahan din ng iyong kalooban. Taglay mong kinang ay kaakit-akit sa aking mga mata na sa tuwing ako’y pipikit ay mukha mo lang ang aking nasisilayan.

Ngunit sadyang may mga bagay lamang na hinding-hindi talaga mapapasaakin kahit na ano mang gawin ko sapagkat ika’y meron ng tinatangi. Batid man ng puso kong may mahal ka na ay andito pa rin ako pinagmamasdan ka mula sa malayo. Binabantayan ang bawat kilos mo nang sa ganun ay alam ko kung masaya ka o hindi. Masakit mang makita ka kasama niya ay kinakaya ko. Ganito talaga siguro kung mahal mo ang isang tao, sapat nang makita mo siyang masaya at hindi lumuluha.

Kung meron man akong isang kahilingan, hihilingin ko ang iyong puso kahit isang araw lang. Nang sa ganon ay maramdaman ko man lang ang iyong pagmamahal. Nang sa ganon ay maging abot ko na ang talang aking pinapangarap, na kahit sa isang araw lang ay sumaya ang puso kong sabik sa iyong pagmamahal. Ngunit sadyang malupit sa akin ang tadhana. Habang lumilipas ang mga araw ay patuloy ang paglayo sa akin ng aking tala. May mga pagkakataon ding naiisip ko na marahil hindi ko na siya maaabot. Hanggang sulyap na lang ang aking magagawa. Magkagayon ma’y, hindi pa rin nawawala ang aking mga mata sa kinang na taglay ng aking tala. Siya lang ang aking pag-ibig at mamahalin sa aking talambuhay. Siya lang ang kaisa-isang talang magbibigay liwanag sa mga oras ng kapighatian at dalamhati. Siya lang ang aking pangarap na maabot at wala ng iba. Wala na akong ibang titingnan pa kundi ang talang ito lang na siyang una kong pag-ibig. Siya lang ang talang aking pagmamasdan na kahit sa malayo ay sana’y madama niya na may isang taong laging nag-aabang at naghihintay na bumaba ang tala upang aking maabot.

Tuesday, November 1, 2011

Hindi ko alam

Ilang gabi ng di mapalagay. Iniisip pa rin ang mga bagay-bagay na sadyang bumabagabag sa akin. Bakit nga ba nagkaganito ang matagal ko ng pinangarap? Bakit nga ba kung kelan napasaakin ang isang bagay ay tsaka pa ito mawawala? Ano nga bang talaga ang aking gusto?

Hindi mawari ng aking isip kung bakit kailangang humantong sa ganito ang lahat. Mahal ko siya ngunit di ko alam kung pano ipaglaban. Labis ko na siyang nasaktan at inisip na rin niyang maaaring ito na ang aking ganti sa nakaraan. Ngunit magkagayon man, di ko inisip na gumanti. Ngayo’y takot na ang pusong magkamali. Magkamaling muli at masaktan pa siya. Kailangan ko lang siguro ng panahon para mag-isip ngunit kung ako papipiliin, kung sasaktan ko lang din siya ay mabuting ihinto nalang siguro. Marahil hindi nga ako karapat-dapat para sa kanya. Marahil, hindi lang marahil dahil alam kong may mas hihigit na magmamahal sa kanya.

Hindi ko rin alam ang gagawin. Litong-lito pa rin ako. Pero sa mga nasabi niya, napag-isip-isip kong hindi nga ako karapat-dapat. Andami ko ring nagging pagkukulang na hindi ko na alam kung pano pa itama. Sabi nga nila ang nakaraan ay nakaraan. Ngunit bakit ganun napapaalala pa rin sa akin ang nakaraan. Unti-unti rin akong pinapatay ng konsensya ko ngayon dahil kinuha ko ang isa sa mahalaga sa kanya. Naging makasarili ako at sarili ko lang ang aking inisip. Bahala na. Mas mabuti muna ang ganito nang sag anon ay makapag-isip ng mabuti. Ayoko na sanang isulat pa ngunit hindi ko alam kung bakit ko pa isinulat. Marahil ito lang ang tangi kong takbuhan kung saan ang mga dating pantasya lamang ay naging makatotohanan na.