Site Updates:
You broke my heart but still I love you :)
02-01-11

Thursday, March 29, 2012

Buhay


Minsan sa buhay ng tao, marami iyong mga bagay o pangyayaring hindi mo inaasahan. Mga bagay na sa tingin mo ay ayos na o di kaya ganun na talaga pero darating din pala ang panahon na hindi pala. Mga pangyayaring gugulantang sa iyong pagkatao. Paano nga ba nalalampasan ang mga ito at paano ito haharapin?

Sa totoo lang, wala akong maisagot diyan dahil ako man ay naghahanap din ng kasagutan sa mga tanong na kung saan hindi mawari ng aking isipan. Marahil nakadalawang dekada na ako sa mundong ito ngunit marami pa rin iyong mga bagay na sadyang hindi ko maintindihan. Simple ngunit ang dating sa akin ay napakakomplikado. Marami iyong mga bagay na sa una'y hindi mo paniniwalaan o magkakaroon ka ng duda ngunit kalauna'y tatanggapin mo rin dahil iyon nga talaga ang dapat. 

Bakit nga ba napakahiwaga ng buhay? Andaming mga tanong na naglalaro sa aking isipan sa ngayon. Pagod ma'y nakakapag-isip pa rin ng mga katanungang hindi ko mahanapan ng solusyon. Mga katanungang patuloy na gumigimbala sa aking katauhan.

Lagi kong tinatanong ang aking sarili, "Ako nga ba ito?" dahil minsa'y hindi ko na kilala ang aking sarili. Marahil sang-ayon ka rin sa akin. Marami lang talagang nagbabago hindi lang sa iyo kundi maging sa paligid mo. 

Sa mga pagbabagong iyon ay dapat handa kang harapin ito. Nang sa gayo'y hindi ka maging katulad ko na nangangapa sa dilim. Mahirap mangapa sa dilim lalo na kung wala kang gabay na kahit katiting na ilaw. Ganyan ako, hindi ko mahanap ang aking sarili. 

May mga bagay na sadyang dapat nang bitawan ng di na mangapa pa at gumaan ang dala. Ngunit pano mo naman bibitawan kung nakatali ka naman dito? Patuloy kang naghahanap ng mga bagay o paraan para makawala ngunit hindi mo magawa dahil mas malakas ang hila nila sa iyo. 

Magkagayon man, huwag matakot sa anumang pagpapasyang gagawin dahil sa huli ikaw at ikaw lang din ang makikinabang o nadi nama'y masasawi. Ganyan lang siguro talaga ang hiwaga ng buhay. Pero bakit ganun kahit isipin kong ganun nga eh wala pa rin? Sadyang nakatali lang ba talaga ako? Ang hirap. Basta mangyare na ang mangyare ang mahalaga andito pa rin ako lumalaban.  

Tuesday, March 27, 2012

Alala


Malamig. Isang napakalamig  na hangin ang dumampi sa aking mukha. Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata. Wala akong makita kundi ang kadilimang bumabalot sa paligid. "Nasaan na ako?" ang tanging natanong ko sa aking sarili. Umupo ako saglit para pakiramdaman ang aking paligid at alalahanin ang mga nangyari bago ako mapadpad sa lugar na ito. Ilang minuto ang lumipas ngunit wala akong maisip.Hindi ko lubos mawari kung anong nangyare sa akin.

Tumayo ako. Naglakad. Sa kadilima'y tanging sarili ko lang ang aking nakikita. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Nagbabakasakaling makatagpo ako ng kahit na sino o ano na magpapaalala sa akin ng lahat. Ngunit bakit kahit anong pilit kong gawin ay wala akong maalala.

Sa di kalayuan ay may natanaw ako. Maliwanag. Nilapitan ko. Isang imahe ang tumambad sa akin. "Ito ba ang aking alaala? Sino ka?" tanong ko sa aking sarili. Ilang beses ko man siyang titigan ay hindi ko pa rin maalala kung sino siya. Inabot niya ang kanyang kamay. Agad ko namang iniabot ang aking kamay. 

Hindi ako gaanong nagtitiwala sa mga taong hindi ko kilala ngunit sa pagkakataong iyon ay nagtiwala ako sa kanya. Napakagaan ng pakiramdam ko sa kanya na para bagang nakilala ko na siya noon. Naglibot kami sa kung saan saan kung saan nakita ko ang aking sarili na kasama siya sa lahat ng oras. 

Sa aming paglalakad ay nakita ko ang bawat balik-tanaw. At sa bawat pagkakataong iyon ay mukha niya lamang ang aking nakikita. "Bakit nga ba?", muli kong natanong ang aking sarili. Ngunit wala pa rin akong makuhang sagot hanggang sa unti-unti ng bumabalik ang aking mga alaala. Nagiging malinaw na sa akin kung sino siya sa aking buhay. Tinitigan ko siyang muli at tumingin siya sa akin. Pumatak ang aking luha. Hindi ko alam kung bakit ngunit kalungkutan ang naramdaman ko sa mga oras na iyon. 

Ilang saglit pa'y bigla siyang nawala. Hinahanap ko siya ngunit hindi ko siya makita. Naalala ko na lahat pati ang pagmamahal ko sa kanya. Bakit ngayon ko pa naalala kung saan wala na siya? Bakit hindi ko naalala noong nakita ko siya? Ngayo'y labis ang pagsisisi dahil sa hindi ko nasabi sa kanya ang nararamdaman. Noo'y natatakot akong sabihin ito sapagkat maaaring lumayo siya sa akin. Kung maibabalik ko lang ang nakaraan, kung makikita ko pa siya, sasabihin ko na kung gaano ko siya kamahal. Na kahit hanggang kamatayan ma'y siya pa rin ang aking iibigin.